Miyerkules, Marso 30, 2022

Libreng sakay

LIBRENG SAKAY

mula bahay ng biyenan patungong opisina
mula Cubao hanggang Pasig, pamasahe'y nagmura
dating bente sais o kwarenta'y tres, nagtrese na
lalo pa't iyang M.R.T. ay naglibreng sakay pa
tila baga ito'y magandang serbisyo sa masa

ano kayang nasa likod ng gawa nilang iyan?
naglibreng sakay isang buwan bago maghalalan
ang manok kaya ni San Pedro'y may pinapanigan?
sa taas ng presyo ng gasolina'y tugon iyan?
o sa gera sa Ukraine, tayo'y apektado naman?

sa libong pasahero, sa pagkalugi ang tungo
ng libreng sakay kung walang iskemang nakatago
kaya ba naglibreng sakay ay kaybuti ng puso?
sana'y di para ipagwagi ang trapo't hunyango
sa halalang baka dambungin ng atat maupo

bagamat nakasakay ng libre'y di mapalagay
na sanlinggo bago halalan malantad ang pakay
paumanhin sa palagay ng makata ng lumbay
gayunman, maraming salamat po sa libreng sakay
pagkat laking tipid nito sa aming paglalakbay

- gregoriovbituinjr.
03.30.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.