Miyerkules, Marso 16, 2022

Labandero

LABANDERO

ako'y labandero sa tahanan
gawain kong sadyang kailangan
dahil may-asawa na'y gampanan
ang gawaing nararapat lamang

mga labada'y iniipon ko
pag may oras, lalabhan na ito
sisimulan sa tabi ng poso
at magkukusot-kusot na ako

batya'y lalagyan ng tubig doon
habang pulbos o baretang sabon
ang aking gagamitin paglaon
sa tshirt, kamiseta, pantalon

gawa'y kusot doon, kusot dito
sa tshirt, kusot-kusot ng kwelyo
ang damit ni misis sa trabaho
mga panty, bra, brief, medyas, sando

babanlawan ng apat na beses
at isasampay ko ng mabilis
mabuti't natutuwa si misis
lalo't pag natuyo'y anong linis

bilang mag-asawa'y pagsisilbi
kay misis kaya minsan ay busy
di lang labhan ang barong sarili
kay misis din, magkatuwang kami

ako'y labandero sa tahanan
buong pamilya'y pagsisilbihan
maglalaba na kung kailangan
upang may masuot sa lakaran

- gregoriovbituinjr.
03.16.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.