Sabado, Marso 12, 2022

Hatinggabi na

HATINGGABI NA

hatinggabi na, dapat matulog
lalo't isip na'y kakalog-kalog
subalit mag-ingat pagkat busog
baka bangungutin, maging itlog

hatinggabi na, nagninilay pa
di makatulog, nag-aalala
anong dami ng isyu't problema
ng bansa't naorganisang masa

hatinggabi na, ika'y umidlip
baka may magandang panaginip
solusyon sa problema'y malirip
at pagkagising, may masasagip

hatinggabi na, tulog na tayo
sa munti nating banig, mahal ko
nang makagising ng alas-singko
maagang mamamalengke ako

sinalubong ko ang hatinggabi
na sa pagmamahal ay sakbibi
at sa aking sinta'y nagsisilbi
sa mutya kong kabigha-bighani

- gregoriovbituinjr.
03.12.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.