Biyernes, Abril 7, 2023

Huwag mong itatanong sa akin

HUWAG MONG ITATANONG SA AKIN

huwag mong itatanong sa akin 
kung ako ba'y walang ginagawa
dahil araw-gabi'y may gawain
na marapat kong tapusing sadya

pag natapos na'y may madaragdag
na naman, ayokong mabakante
doon lang ako napapanatag
pag may gawaing puno ng siste

pagtatrabaho, gawaing bahay
magluto, maglaba, maglampaso
pagkatha ng tula, pagninilay
pagsusulat ng maikling kwento

mag-organisa ng maralita
lumahok sa rali sa lansangan
pag-alam sa isyu ng paggawa
pananaliksik sa kasaysayan

kumilos sa climate emergency
at ikampanya ito sa masa
mag-ehersisyo, pamamalengke
pag-ihi't tulog lang ang pahinga

huwag itanong sa aking pilit
kung ako ba'y walang ginagawa
kundi pwede ba itong isingit
upang kapwa tayo may mapala

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.