Lunes, Abril 10, 2023

Isang bandehang itlog

ISANG BANDEHANG ITLOG

matapos ang Easter Sunday at Easter egg hunt
na di naman namin talaga sinalihan
isang bandehang itlog ang binili naman
nang may ulam sa umaga hanggang hapunan

bagamat di ako kumakain ng manok
dahil pawang isda't gulay ang nilulunok
nag-iwas-karne, vegetarian ay sinubok
ngunit pampalusog daw ang itlog ng manok

minsan, isasapaw sa kaning iniinin
minsan, babatihin muna bago lutuin
minsan, sa kamatis sibuyas gigisahin
minsan, sa sardinas naman paghahaluin

madalas, iba't ibang luto'y ginagawa
mga ito'y lulutuin hangga't sariwa
dahil sayang lang pag nabugok at nasira
ang ginastos ng bulsa'y mababalewala

- gregoriovbituinjr.
04.10.2023

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.