Biyernes, Abril 7, 2023

Pagninilay ngayong semana santa

PAGNINILAY NGAYONG SEMANA SANTA

nagninilay ngayong semana santa
ano bang kaugnayan ko sa masa?
bakit ba dukha'y inoorganisa?
babaguhin ba'y bulok na sistema?

ako'y lagi mang laman ng lansangan
ay matatag yaring paninindigan
inaalam bawat isyu ng bayan
bakasakaling makatulong naman

ramdam ang kalbaryo ng maralita
dinemolis, tahanan na'y nawala
kawawa ang mga babae't bata
karapatan pa'y binabalewala

parang ipinako muli si Hesus
mga dukha'y pinahirapang lubos
kailan ba sila makakaraos
kung di nagkakaisa't magsikilos

kayrami pa ring obrerong kontraktwal
at di magawang sila'y maregular
habang bundat na bundat ang kapital
sa ganitong sistema ba'y tatagal

patuloy pa rin akong nagninilay
sa semana santa'y di mapalagay
kung lipunang makatao ang pakay
ay dapat tayong kumilos na tunay

- gregoriovbituinjr.
04.07.2023

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.