Sabado, Abril 29, 2023

Kwento - Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Wala tayong pasok sa Mayo Uno dahil holiday. Mungkahi kong magtungo tayo sa isang beach, mag-party, at bibili ako ng isang buong litson upang ating pulutan. Sang-ayon ba kayo, mga kasama, sa aking mungkahi?” Ito ang tanong ni Ka Mulong habang nanananghalian sa loob ng pabrikang pinapasukan. “Minsan lang naman sa isang taon tayo magsaya at magsama-sama nang nagkakasiyahan.”

Agad na sumagot si Manong Kadyo, “Walang pasok ang Mayo Uno dahil deklarado itong holiday sa bansa, pagkat kinikilala ng pamahalaan ang isang araw na ito ng mga manggagawa. Kaya sa ibang araw na natin idaos ang sinasabi mong party. Dapat makiisa tayo sa pagdiriwang ng Labor Day sa bansa.”

“Ano namang mapapala natin diyan?” Tanong ni Ka Mulong. “Aba’y magpapainit lang tayo sa matinding sikat ng araw. Matindi na ang klima ngayon dahil sa climate change. Ayon sa balita, pumalo na sa 50 degri Celsius ang init ng panahon kaya pinag-iingat tayo. Tapos dadalo tayo riyan sa sinasabi ninyong Mayo Uno? Paano kung ma-heat stroke ako? Sasagutin ba ninyo?”

“Magdala ka ng payong at tubig, magsupot ka ng sumbrero at ng tshirt na may mahabang manggas. Hindi natin maaaring palampasin ang pagdiriwang ng Mayo Uno dahil nakikinabang tayo sa naging tagumpay ng mga manggagawa noon kaya may otso oras na paggawa tayo. Otso oras na paggawa, otro oras na pahinga o tulog, at otso oras sa iba pang gawain.” Sabi ni Lara, manggagawang lider-kababaihan sa pabrika nila.

“Dapat tayong maghanda sa pagkilos sa araw na iyan, kasama ang iba pang mga manggagawa sa iba pang pabrika. Isang napakahalagang araw itong dapat pinaghahandaan ng manggagawa taon-taon: ang makasaysayang Mayo Uno, na itinuturing na Dakilang Araw ng Paggawa.” Ito ang paliwanag ni Ka Igme. “Tama si Lara. Makasaysayan dahil naipagtagumpay ng manggagawa noon ang walong oras na paggawa. Kaya lalahok tayo. Ang sinasabi ni Mulong na party ay sa ibang araw na natin gawin, huwag sa mismong Mayo Uno dahil araw nating mga manggagawa iyon. Ibigay na natin ang araw na iyon para sa ating mga kapwa manggagawa. Lalahok tayo sa sama-samang pagkilos ng mga manggagawa upang ipakita ang ating lakas at pagkakaisa, hindi lang bilang karaniwang empleyado kundi bilang uri - uring manggagawa.”

“Anong ibig mong sabihin ng pagkilos bilang uri? At saka bakit uring manggagawa?” Tanong muli ni Mulong na tila nagugulumihanan.

“Alam mo, Mulong?” Ang sabi ni Ka Igme, “Mahalaga ang pagkilala ng manggagawa sa kanyang mga kamanggagawa bilang kauri dahil iisa tayo ng uring pinanggagalingan, ang uring walang pag-aari kundi tanging ang lakas-paggawa. Hindi tayo kabilang sa uring iilan, tulad ng kapitalista, asendero, o elitista. Kaya tayo manggagawa ay dahil ibinebenta natin ang ating lakas-paggawa sa kapitalista kapalit ng ilang barya o sahod upang mabuhay tayo at ang ating pamilya. Halos lahat ng pakinabang ng manggagawa ngayon ay ipinaglaban ng manggagawa, at hindi naman ito kusang ibinigay sa kanila. Benepisyo’t batas na dapat pang ipaglaban ng manggagawa upang matamasa, tulad ng otso oras na paggawa, sick leave, maternity leave, right to organize, karapatang mag-aklas, health benefits, retirement benefits, collective bargaining at marami pang iba.”

Sumagot din si Lara, “Noong panahon ng martial law na bawal ang magwelga, ipinutok ng mga manggagawa ng La Tondeña ang welga, kung saan naipanalo nilang maregular ang mga nasa 600 kaswal na manggagawa. Ah, talagang sa paglaban nating manggagawa nakukuha ang mga benepisyong kailangan natin dahil hindi ito kusang ibibigay ng mga tuso, dupang, at nagpapakabundat na kapitalista dahil makakabawas ito sa kanilang kinakamal na tubo galing sa dugo’t pawis ng manggagawa.”

“Kumbinsido na ako sa mga sinasabi ninyo. O, sige,” ani Mulong, “Sasama na ako sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Salamat. Ito ang mga detalye ng pagkilos.” Sabi ni Lara.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Abril 16-30, 2023, pahina 18-19.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.