Biyernes, Abril 7, 2023

Sino ang awtor na si H. P. Lovecraft?

SINO ANG AWTOR NA SI H. P. LOVECRAFT?
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dahil sa kagustuhan kong mag-aral ng ibang estilo ng pagkukwento ay nakita ko sa bilihan ng aklat ang Selected Stories ni H. P. Lovecraft. May dating ang apelyido niya dahil sa salitang LOVE. Dalawang pinagdugtong na salita: Love at Craft (pag-ibig at kasanayan, kundi man bapor). Mangingibig nga kaya ang awtor na ito, at matutunghayan ba ito sa kanyang mga sulatin?

Binili ko ang librong H. P. Lovecraft Selected Stories sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, noong Agosto 1, 2022, sa halagang P179.00. Ang aklat ay may sukat na 4.25" x 7", na umaabot sa 304 pahina, kasama ang 14-pahinang naka-Roman numeral, at 28-pahinang Classic Literature: Words and Phrases adapted from the Collins English Dictionary. Inilathala ito ng Collins Classics. Ganito ang pagpapakilala kay Lovecraft sa likod na pabalat ng aklat:

"H. P. Lovecraft (1890-1937) never achieved commercial success during his lifetime and died in poverty. He was posthumously recognised as one of the most important writers of the horror genre, having laid the foundations for generations to come and inspired countless authors with his wildly imaginative stories of myths, monsters and madness."

Wow! Nakakabilib di ba? Lalo na yaong pariralang "inspired countless authors with his wildly imaginative stories" na talagang babasahin mo siya.

Sinubukan ko itong isalin sa wikang Filipino: "Si H. P. Lovecraft (1890-1937) ay di nakapagtamo ng komersyal na tagumpay noong nabubuhay pa siya at namatay sa kahirapan. Namatay na siya nang kinilala siya bilang isa sa pinakamahalagang manunulat ng mga akdang katatakutan, na nakapaglatag ng mga pundasyon para sa mga darating na henerasyon at nagbigay inspirasyon sa hindi mabilang na mga awtor sa pamamagitan ng kanyang mga malikhaing kwento ng mga alamat, mga halimaw, at kabaliwan."

Ang aklat na nabanggit ay naglalaman ng sampung kwento sa 262 pahina, na pamantungan o average ay 26 pahina bawat kwento. Ang pinakamaikli ay ang kwentong Dagon na may pitong pahina, habang ang pinakamahaba naman ay ang kwentong The Dunwich Horror na may 53 pahina.

Ang sampung kwentong ito at ang mga pahina ay ang mga sumusunod:
a. Dagon - p. 1
b. The Statement of Randolph Carter - 8
c. Herbert West - Reanimator - 16
d. The Outsider - 54
e. The Colour Out of Space - 62
f. The Call of Cthulhu - 97
g. The Silver Key - 134
h. The Dunwich Horror - 149
i. The Haunter of the Dark - 202
j. The Thing on the Doorstep - 231 

Ayon pa sa aklat, ang buo niyang pangalan ay Howard Phillips Lovecraft at isinilang sa Providence, Rhode Island noong 1890. Pinalaki siya ng kanyang lolo't lola, dahil ang kanyang ama'y nasa ospital dahil sa sakit sa utak. Bata pa'y nabasa na niya ang Grimm's Fairy Tales, mga akda ni Edgar Allan Poe, hanggang sa Metamorphoses ni Ovid (na iba pa pala sa Metamorphosis ni Franz Kafka). Sa gulang na siyam na taon ay nakapaglathala na siya ng magasing The Scientific Gazette.

Subalit siya'y masasakitin noong bata pa at nakaranas ng ilang ulit na nervous breakdown, o kalagayan ng pagkakasakit at nerbiyos na resulta ng matinding depresyon o pagkabalisa. Nang mamatay ang kanyang lola noong siya'y anim na taong gulang pa lang, siya'y madalas na binabangungot. Makalipas pa ang ilang taon, namatay naman ang kanyang lolo, at nadama niyang siya'y kaawa-awa. Kaya nasabi niya noon na siya'y nawalan na ng anuman (I have none!).

Hanggang naging mapag-isa na siya, di na nakihalubilo sa mga kaibigan at kaklase niya. Tumutok na lang siya sa agham at panitikan ng ikalabingwalong siglo. Nagpadala na siya ng mga liham sa mga pulp-fiction magazines at sa buwanang kolum hinggil sa astronomiya sa Providence Evening News. Noong 1914, naimbitahan siyang sumali sa United Amateur Press Association. 

Ang magasing The Vagrant ang unang naglathala ng kanyang akdang "The Alchemist" (na kaiba pa sa The Alchemist ni Paolo Coelho). Sinulat niya ang The Alchemist noong 1908, at nalathala noong 1916. Ang iba pa niyang akdang inilathala ng magasing The Vagrant ay ang "The Beast in the Cave" (na sinulat niya noong 1905) at nalathala noong 2018. Sumunod ay ang mga kwentong "The Tomb" at "The Statement of Randolph Carter". Noong 1919 ay nalathala ang "Dagon" kung saan dito nagsimula ang mga kwentong Cthulhu kung saan nakilala si Lovecraft.

Patuloy siyang nagbabasa ng iba pang akda at awtor. Hanggang mabasa niya ang mga bantog na horror writer na sina M. R. James, Guy de Maupassant, ang fantasy writer na si Lord Dunsany, at si Edgar Allan Poe. Noong 1922 ay nakilala niya ang manunulat ding si Clark Ashton Smith.

Nang ilunsad noong 1923 ang magasing Weird Tales, kilala na si Lovecraft ng mga editor. Sa pagitan ng 1924-1926, upang lumakas pa ang sirkulasyon ng magasin, kinomisyon nila si Lovecraft na maging ghost writer (bagamat walang kredito) ng serye ng mga kwentong nauugnay kay Harry Houdini, na kilalang escape artist.

Noong 1921, pagkamatay ng kanyang ina, nakilala ni Lovecraft ang manunulat din at negosyanteng si Sonia H. Greene sa isang pagtitipon ng National Amateur Press Association. Nagpakasal sila noong 1924 at lumipat sa New York kung saan napaligiran sila ng iba pang manunulat ng pulp-fiction. Natanggap din siya sa Kalem Club, isang grupo ng mga like-minded na awtor na ang apelyido'y nagsisimula sa K, L, o M.

Nakilala siyang lalo nang inilathala na ang maimpluwensiyang "The Call of Cthulhu" noong 1928, at pumokus sa kanya ang mga kaibigang nakapaligid na bumubuo ng Lovecraft Circle. Kabilang dito sina Clark Ashton Smith, Robert E. Howard, at August Derleth, kung saan natagpuan nila sa "The Call of Cthulhu" ang tinatawag na "Cthulhu Mythos" na isang bagong buong kalawakan na may sariling templo ng mga sinaunang diyos, kung saan nagbuo na ng mga bagong kwento mula rito sina Derleth.

Subalit ang kanyang nobelang "At the Mountains of Madness" ay inayawan dahil sa napakahaba umano, pakiramdam niya'y bigo siya. Kaya hindi na niya naisumite pa sa magasin noong 1933 ang kanyang kwentong "The Thing on the Doorstep", na nalathala na lang roon nang siya na'y namatay.

Hindi naging matagumpay ang kanyang pag-aasawa at naghiwalay sila ng kanyang asawa matapos lang ang dalawang taon. Ramdam niyang may pagsisisi ang pagkakapunta niya sa New York, kaya naisulat niya sa kanyang Tiya Lillian noong 1926, "It is New England I must have - in some form or other. Providence is part of me - I am Providence... Providence is my home, & there I shall end my days." ("Isang Bagong Inglatera ang dapat kong kalagyan - sa anumang anyo o iba pa. Bahagi ko na ang Providence - ako ang Providence... Ang Providence ang aking tahanan, at doon ko nais manahan sa aking mga huling araw.")

Nang magkahiwalay na sila, umuwi na si Lovecraft sa kanyang bayan ng Providence, at doon nagpatuloy ng pagsusulat. Nabuhay siya sa pamamagitan ng kanyang mga namana. Hanggang mabatid niyang may kanser na siya noong 1937, habang nabubuhay siyang wala nang panggastos. At namatay siya sa edad na apatnapu't anim.

Sa isang sanaysay niyang isinulat noong 1927 ay ipinahayag niya: "The oldest and strongest emotion of mankind is fear, and the oldest and strongest kind of fear is fear of the unknown. (Ang pinakamatanda at pinakamatinding damdamin ng sangkatauhan ay takot, at ang pinakamatanda at pinakamatinding uri ng takot ay ang takot sa hindi nababatid.)"

Isinulat naman niya kay Clark Ashton Smith noong 1930: "The true function of phantasy is to give the imagination a ground for limitless expansion... ("Ang tunay na tungkulin ng pantasya ay upang bigyan ang imahinasyon ng batayan para sa walang limitasyong pagpapalawak...)"

Makahulugan ang mga isinulat niyang iyon para sa mga manunulat ng kwento sa kasalukuyang panahon. Kaya ang pag-aralan ang kanyang mga sulatin ay isang malaking tungkulin ng mga manunulat ng kwento tulad ng inyong abang lingkod.

Sa ngayon ay binabasa-basa ko ang mga kwento ni H. P. Lovecraft upang matutunan din ang ilan niyang estilo na magagamit ko sa pagsusulat. At marahil ay masundan din ang kanyang yapak sa usaping pagsusulat.

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.