Sabado, Marso 5, 2022

Atin 'to

ATIN 'TO

sa isang traysikel nakasabit ang poster nila
sana maraming traysikel na ito'y dala-dala
habang poster ng trapong kandidato'y naglipana
kita agad sinong wala-wala, sinong may pera

paisa-isa man, ito ang ating kandidato
inilalaban ang isyu ng karaniwang tao
Ka Leody de Guzman para sa pagkapangulo
sa ikalawang pangulo naman si Walden Bello

si Ka Leody, may prinsipyo, lider-manggagawa
matagal nang nakikibaka, sosyalistang diwa
na pagkakapantay sa lipunan yaong adhika
salot na kontraktwalisasyon, tatanggaling sadya

si propesor Ka Walden Bello ay talagang atin
magaling sa kasaysayan, libro niya'y basahin
Marcos-Duterte Axis of Evil, kakalabanin
Baby Marcos at Baby Duterte'y dedebatihin

para pagka-Senador, Attorney Luke Espiritu
makakalikasang kandidato, Roy Cabonegro
batikang environmentalist, David D'Angelo
tayo'y magsama-sama upang sila'y ipanalo

ang poster nila sa isang traysikel nakasabit
ikampanya sa masa, sila'y marapat mabitbit
ipakitang sa bulok na sistema'y may kapalit
Bagong Ekonomya, Bagong Pulitika ang giit

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.