Sabado, Abril 26, 2014

Pagbabalik ng mga dukha


PAGBABALIK NG MGA DUKHA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di na maganda ang buhay sa relokasyon
gutom, walang kabuhayan, walang malamon
klasiko nga itong "from danger zone to death zone"
inilayo sa lungsod, sa bundok tinapon
tayong mga dukha'y dito na binabaon
sa walang kabuhayan at walang malamon

sa dati naming lugar, kami'y may trabaho
pamilya'y di gutom, kumakaing totoo
ilalim man ng tulay, di kami istorbo
tabi man ng riles, kami pa rin ay tao
nang kami'y tinapon sa relokasyong ito
napalayo na sa kabuhayan, trabaho

tila kami tinraydor ng mga ulupong
at inilagay kami sa kutya't linggatong
kaytaas ng bayarin, saan pa hahantong
tila ililibing kaming walang kabaong
mula death zone, babalik kami sa danger zone
dahil may trabaho kami't di gutom doon

Miyerkules, Abril 2, 2014

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!

Miyerkules, Hunyo 12, 2013

tula ni Anthony Barnedo hinggil sa Kalayaan

araw ng kalayaan... araw nang ating paglaya?

saan ba tayo lumaya?

kailan ba tayo lumaya?

o binubulag lang tayo ng kasaysayang inukit ng BURGESYA!

dahil kung totoong umiiral ang kalayaan...

malaya sanang naninirahan ang mga maralita ng hindi nangangamba na mawalan ng tirahan..

malaya sanang nakakamit ng mga kabataan ang edukasyon, wala sanang kristel!

malaya sanang nakakapaglaro ang mga bata, wala sa basurahan, sa kalye, hindi sana nila tangan ang obligasyong maghanap ng pagkakakitain para mabuhay...

malaya sanang nakakamit ng mga manggagawa ang kanilang mga benipisyo, siguridad sa kanilang trabaho, maayos at matiwasay na buhay.

malaya sana ang nakakaraming PILIPINO na kamtin ang kasaganahan na naaayon sa kanyang pangangailangan para mabuhay!

kung malaya ka,..

hindi ka sana nahihirapan!


Lunes, Enero 16, 2012

Karahasan sa Demolisyon sa Jose Corazon de Jesus

KARAHASAN SA DEMOLISYON SA JOSE CORAZON DE JESUS

ni Greg Bituin Jr.


Ang naganap na demolisyon sa Brgy. Jose Corazon de Jesus sa San Juan noong Enero 11 ay sadyang kalunos-lunos. Ngunit kami sa Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML) ay nagpupugay sa ginawang depensa ng mga kapatid naming maralita sa kanilang pakikibaka para sa kanilang karapatan sa pabahay at kinabukasan. Nagkabatuhan, nagkasakitan, nawalan ng tahanan ang mga pamilya, nawalan ng matutulugan ang kanilang mga anak, nasa tatlumpung katao ang hinuli ng pulis dahil sa pagdepensa sa kanilang bahay.


Para silang mga dagang itatapon sa relokasyon sa Montalban, Rizal; isang relokasyong malayo sa kanilang trabaho, isang relokasyong malayo sa paaralan ng kanilang mga anak, isang relokasyong ang totoong kahulugan ay dislokasyon ng kanilang buhay. Masakit sa mata ng mga naghaharing uring elitista ang mga maralita. Kaya nais ng mga itong itaboy na parang mga daga ang mga maralita. Tulad ng naganap sa Brgy. Mariana at North Triangle sa Quezon City, tulad ng demolisyon sa kanto ng Shaw Blvd., at 9 de Pebrero sa Mandaluyong, tulad ng demolisyon sa Laperal Compund sa Makati, at sa iba pang mga demolisyon sa kalunsuran, iisa ang padron: ang itaboy ang maralita sa kabundukan dahil etsapuwera sila sa kalunsuran.


Panahon nang magkaisa ang mga maralita upang labanan ang ganitong mga pasistang patakaran ng mga elitista. Hindi mga hayop ang mga maralita, kundi tao. Taong may karapatang mabuhay, taong may karapatang magkaroon ng magandang kinabukasan, taong masisipag bagamat naghihirap, taong nagsisikap para sa kinabukasan ng kanilang mga anak. Sa paglilipatang relokasyon sa kanila, bahala na ang maralita sa erya ng relokasyon pagdating sa pabahay, kahit pa sabihing binigyan sila ng tigsasampung libong piso (P10,000) bawat pamilya, na mumo lang kung ikukumpara sa limpak-limpak na tubo ng mga nais mag-okupa ng lupang kinatitirikan ng kanilang bahay. Balewala sa mga Ayala, Henry Sy, Araneta, Gozon, at iba pa ang barya-baryang ibinibigay nila sa maralita dahil kaya nila itong mabawi pag naitayo na nila ang kanilang negosyo sa pinagtanggalan sa mga maralita. Ngunit mahirap na nga ang maralita, ang ibinigay na bahay sa relokasyon ay di talaga bigay, dahil negosyo ang pabahay, imbes na serbisyo. Patunay dito ang tinatawag na escalating scheme of payment na kasunduan para sa pabahay, na hindi naman kaya ng mga maralita.


Panahon nang magkaisa ang lahat ng maralita laban sa demolisyon. At dapat pag-aralan na rin ng maralita ang iba't ibang modelo ng pabahay sa iba't ibang bansa, tulad ng Cuba, na ang bayad sa bahay, kundi man libre, ay batay sa kakayanan ng maralita. Ibig sabihin, batay sa kinikita ng maralita at hindi batay sa dikta ng negosyo. Maraming mga modelo sa pabahay, ngunit marahil, kailangan pa ng maralita ang totoong mag-alsa laban sa sistemang kapitalismo, dahil ito ang pahirap sa kanila. Dahil ang karapatan sa pabahay ay negosyo ng iilang mayayaman, pabahay na hindi kayang bayaran ng mga maralitang kakarampot na lang ang kinikita, at kulang pa para sa kanilang pagkain sa araw-araw.


Dapat pag-aralan din ng maralita ang lipunang kanyang ginagalawan. Bakit nga ba kapitalismo ang sistema? At bakit sa ilalim ng kapitalismo, patuloy na naghihirap ang sambayanan? Simpleng kurapsyon lang ba ang problema na tulad ng elitistang pangulo? Bakit dapat mag-alsa ang mga maralita laban sa bulok na sistema ng lipunan? Bakit sa ilalim ng kapitalismo'y binabayaran ang bawat karapatan, tulad ng karapatan sa pabahay at karapatan sa kalusugan?


Maralita, tapusin na natin ang panahon ng pananahimik at pagsasawalang-kibo. Panahon na upang magpasya tayo, di lang para sa ating sarili, kundi para sa kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kabaliwan ng Sistemang Demolisyon at Kabalintunaan ng Relokasyon

KABALIWAN NG SISTEMANG DEMOLISYON AT KABALINTUNAAN NG RELOKASYON
ni Greg Bituin Jr.

Ilang beses na nating napanood sa telebisyon ang pakikipagbatuhan ng mga maralita sa mga demolition team. Sa Mariana at North Triangle sa QC, sa Laperal Compound sa Makati, sa R10 sa Navotas, at sa marami pang lugar sa kalunsuran. Nagkakabatuhan. Bato na ang naging sandata ng maralita upang ipagtanggol ang kanilang tahanan, upang depensahan ang kanilang karapatan sa paninirahan. Bato, imbes na M16, AK-47 o kalibre 45. Batong pananggalang nila sa kanilang karapatan. Batong pamukpok sa ulo ng gobyerno para magising ito sa tungkulin nitong bigyan ng maayos na tahanan ang bawat mamamayan, kasama ang maralita.

Mararahas daw ang mga maralita. Dahas daw ang pambabato ng mga ito sa mga nagdedemomolis. Ulol talaga ang mga nagkokomentong iyon. Sila kaya ang tanggalan ng tahanan ng mga maralita kung hindi rin nila ipagtanggol ang kanilang tahanan. Alangan namang di lumaban ang maralita, at sabihan nila ang mga nagdedemolis ng "sige po, wasakin nyo na po ang bahay namin, sirain nyo na po ang kinabukasan ng aming mga anak, at titira na lang kami sa kalsada."

Di kasalanan ng maralita kung mambato sila. Sagad na nga sila sa sakripisyo at paghihikahos, tatanggalan pa sila ng bahay. Kahit sino ang tanggalan mo ng tahanan, tiyak na lalaban. Tulad ng mga maralitang nakikipagbatuhan. Depensa nila ang mga bato, ekspresyon nila ng galit ang pakikipagbatuhan sa demolition team. Dahil karahasan din ang ginagawa sa kanila - ang karahasang idemolis ang kanilang bahay at kinabukasan.

Bakit kailangang umabot pa sa batuhan?

Una, dahil sa kabaliwan ng sistemang demolisyon. Walang pagsasaalang-alang sa buhay at dignidad ng maralita. Ang nakikilala lang ng nagdedemolis ay mapalayas ang maralita at bahala na ang mga ito sa buhay nila, tutal masakit sila sa mata ng mga mayayaman.

Ikalawa, dahil di nagsusuri ang mga matatalino sa gobyerno. Basta nakitang barungbarong ang tahanan ng maralita, ang problema agad nila ay bahay, kaya ang solusyon ay palayasin o kaya naman ay bibigyan ng bahay na malayo sa hanapbuhay ng maralita. Kung magsusuri lang sana ang gobyerno, matatanto nilang nagtitirik ng bahay ang maralita kung saan malapit sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, malapit sa trabaho, malapit sa pagkukunan ng ilalaman sa tiyan ng pamilya. Umalis sila ng probinsya dahil wala doong trabaho at dito sa lungsod nakahanap ng ikinabubuhay nila.

Ikatlo, dahil hindi sila kinakausap ng maayos nang may pagsasaalang-alang sa kanilang buhay at kinabukasan. Ni hindi man lamang inunawa na ang kanilang kailangan ay hindi lang bahay, kundi trabaho at serbisyong panlipunan. Dapat unawain na hindi lang bahay ang problema ng maralita kundi ang kahirapan. Kaya sa bawat negosasyon sa maralita, dapat tandaang magkasama ang tatlong mahahalagang usapin sa maralita - ang pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan. Dahil isa lang diyan ang mawala ay problema na sa maralita.

Kabalintunaan din ang relokasyon sa malalayong lugar.

Una, ineengganyo ang mga maralita na magpa-relocate na dahil mas maganda raw ang buhay ng maralita pagdating sa relokasyon. Ngunit kabaligtaran ang nangyayari, mas naghihirap ang maralita sa relokasyon. Patunay dito ang naganap sa relokasyon sa Pandakaqui, Pampanga at sa Calauan, Laguna, na ayon sa ilang saksi ay nagaganap, halimbawa, ang bentahan ng puri kapalit ng kilong bigas.

Ikalawa, bibigyan ng bahay ngunit inilayo sa trabaho. Dahil di nila makain ang bahay, ang tendensiya, marami sa maralita ang nagbebenta ng ibinigay na bahay na malayo sa kanilang trabaho, upang magtirik muli ng bahay at muling maging iskwater sa lugar na malapit sa kanilang pinagkukunan ng ikinabubuhay. Dapat maunawaan ninuman, lalo na ng mga taong gobyerno, na kaya nagtayo ng bahay ang maralita sa kinatitirikan nila ngayon ay dahil malapit ito sa kanilang trabaho. Ang ilayo sila sa kanilang trabaho upang i-relocate sa malayo ay talagang nakakagalit at hindi katanggap-tanggap.

Ikatlo, ang ibinigay na bahay ay pababayaran ng mahal sa maralitang katiting na nga lang ang kinikita, ang bahay pa'y batay sa market value at escalating scheme (itinakdang pagtaas ng presyo sa takdang panahon), at hindi batay sa kakayahan ng maralita.

Ikaapat, ang totoong kahulugan ng relokasyon ay dislokasyon. Giniba na ang bahay mo, pinalayas ka pa, inilayo ka pa sa trabaho mo o pinagkukunan ng ikinabubuhay, kaya lalong gutom at kahirapan ang inabot ng iyong pamilya.

Kaya makatarungan ang panawagan ng maralita na in-city relocation dahil malapit sa kanilang trabaho, at onsite development dahil dapat kasama ang maralita sa pag-unlad, hindi lang pag-unlad ng kalsada at mga negosyo. Panawagan ng maralita na imbes na market value ay ibatay ito sa kakayahan ng maralitang magbayad.

Mungkahi nga'y sampung bahagdan (10%) lamang ng kita isang buwan ng maralita ang dapat ilaan sa pabahay, at hindi batay sa presyong nais ng kapitalista, o market value, dahil nga walang kakayahang magbayad ang maralita, kulang pa sa pagkain ang kanilang kinikita'y pagbabayarin pa sa pabahay. Halimbawa, limang libong piso (P5,000.00) ang buwanang kita ng isang mahirap na pamilya, P500 lang ang dapat ibayad nila sa bahay, at hindi dapat maipambayad ang salaping nakalaan na sa edukasyon, pagkain, kuryente, tubig at iba pang bayarin. Hindi dapat batay sa market value ang bahay, dahil karapatan ang pabahay at hindi negosyo.

Hangga't nagaganap ang batuhan sa demolisyon, hangga't inilalayo ang maralita sa pinagkukunan nila ng ikinabubuhay, masasabi nga nating sadyang baliw ang sistemang demolisyon at sadyang balintuna ang iskemang relokasyon, dahil wala na ito sa katwiran at walang paggalang sa karapatang pantao at dignidad ng maralita. Hangga't may marahas na demolisyon at sapilitang relokasyon, magkakaroon muli ng batuhan bilang depensa ng maralita sa kanilang karapatan sa paninirahan. At marahil hindi lang mga demolition team at mga kalalakihan ang masasaktan, kundi ang mga kababaihan at kabataang sapilitang inaagawan ng karapatan.

Lunes, Setyembre 12, 2011

Primitibo Komunal sa Lansangan... Nakikita mo ba sila?

PRIMITIBO KOMUNAL SA LANSANGAN…
Nakikita mo ba sila?
Ni: Kokoy Gan

Pagala-gala, sama-samang nanginginain, pangangaso, walang pag-aari at mangmang. Iyan ang depinisyon ng unang tao noon - uncivilized people. Lagi nilang iniisip ang kapakanan ng kanilang tribu at kalikasan. Lahat ng pag-aari ay pag-aari ng lahat at lahat ng produksyon ay pantay pantay na pinaghahatian.

Madalas akong napapadaan sa lugar ng Escolta, sa kahabaan ng Rizal Avenue at Lawton, lagi kong napapansin ang mga taong nakatira sa lansangan o pulubi sa katawagan ng mga mayayaman. Sa tuwing sila ay aking nakikita, sila ay aking pinagmamasdan at pinagtagni-tagni ko ang kanilang mga ginagawa hanggang sa humulma at nabuo sa isip ko: ito ba ang mukha ng lipunang kapitalista? Alam ko na mayroon pang ibang ganito sa ibang lugar sa Pilipinas na kaparehas din nila. Bakit naging baliktad yata ang nangyayari? Kung sino pa ang mga dayuhan at iilang mga mayayaman ay sila pa ang may kontrol at kumakamal ng yaman ng ating bansa. Sila ang nagmamay-ari ng mga empresa, mga malaking lupain at mga pabrika. Kaya nilang mag-impluwensya sa pamamagitan ng kanilang yaman o pera. Kaya rin nilang pondohan at magpanalo ng kandidato kahit maging presidente para hawakan at papaboran ang kanilang gusto at para mapanatili ang kanilang yaman at para maproteksyonan ang kanilang mga interes. Ganito sila kagarapal. Oo, tao sa kapwa tao ang naglalaban. Bakit may iba silang oryentasyon? Ang magpayaman sa kabila ng maraming naghihirap.

Primitibo nga silang tingnan pero may kaibahan sila sa unang mga tao noon. Ang kaibahan noon ay may malalaking mga puno na naging proteksyon sa kalikasan, kanlungan ng mga hayop o pinipitasan ng mga bunga na kanilang makakain. Iyan ay wala na ngayon kasi tinayuan na ng mga malalaking gusali, wala ng lupang masasaka para tugunan ang kanilang pagkain, dahil pag-aari na ng iilan gaya ng mga panginoong may lupa o haciendero. Ang kanilang bahay ay kariton. Dito nila inilalagay ang kanilang mga gamit. Sama-sama silang nanginginain sa paghahalukay sa mga basurahan ng itinapong pagkain ng mga malalaking restaurant, nakatira sa mga condominium at mga sikat na subdivision. Gabi na, kailangan nilang i-safety ang kanilang mga katawan lalo na ang mga bata na kasama nila, tulak tulak ang kanilang kariton, sarado na ang mga establesimyento. Maghahanap sila ng malaking espasyo na kahit umulan man ay hindi sila mababasa. Ilalatag na nila ang mga dalang karton. Habang sila’y natutulog, kailangan may isang gising na magbabantay sa mga kasamahan nila. Baka nakawin ng sindikato ang kanilang mga sanggol na kasama nila ng mga sindikato para ibenta sa mga mayayaman na hindi nagkakaanak. Magliliwanag na, kailangan nilang lisanin ang lugar kase pagagalitan sila ng may-aring negosyante pag sila naabutan sa ginamit nilang lugar. Nabalitaan nila na may tagas ang isang tubo ng NAWASA, sama-sama nilang pupuntahan para labahan ang kanilang mga damit at isasabay ang paligo.

Nakakagigil... bakit may ganito dito sa ating bansa, sila ba ang biktima ng bulok na sistema?! ang sistemang kapital? Kung aking iisipin, iba-iba ang kanilang karanasan, tiyak ang karamihan sa kanila ay nademolis ang mga bahay, natanggal sa trabaho at biktima ng mga malulupit na patakaran na kontra maralita.

Baguhin natin ang sistemang ito! Sosyalismo! Walang mahirap at walang mayaman, walang mapang-aping uri, may pagkalinga ang gobyerno sa kanyang mamamayan, pantay na hatian, pantay na karapatan at libre ang mga serbisyong panlipunan, may sapat na kita at kaaya-aya at libreng pabahay. Kung ito ang sistema natin, tiyak wala tayong makikitang mga nakatira sa lansangan at naghihirap.

Linggo, Hulyo 18, 2010

Tula ng Kahirapan

Tula ng Kahirapan
kathanimona

Sinulat ni Mona, dating manggagawa ng Temic na ngayon ay nasa New York na

Kaming mga dukha
Sa baryo Binagoongan
Galunggong, kangkong
Tanghalian, hapunan

Pagkaing karne
Tanging pangmayaman
Almusal ay pandesal
Mantikilyang palaman

Pamutat ay saging
Bukayo paminsan
Walang reklamo
Makaraos lamang

Ngayon ang dukha
Sa aking bayan
Kahit tuyo, isda
Di makapag ulam

Sagad sa kahirapan
Gumagawa ng paraan
Basura kinakain
Malamnan lang
Ang tiyan

Kay sakit isipin
Ang yaman ng bansa
Di pakinabangan
Ng maralita

Anong ginagawa
Inutil na pamahalaan
Korapsiyon ,mag umit
Sa kaban ng bayan

Meron bang konsiyensiya
Sa mundo ng burgesya
Silang naghahari
Bulok na burukrasya

Nakita ko si ineng
Pumasok sa iskwela
Butas ang tsinelas
Tagpian ang palda

Lapis niya ay pudpod
Kuwaderno ay kulang
Sikmurang mahapdi
Masakit kumakalam

Walang pamasahe
Utak nagugulumihan
Sustansiya ay salat
Pag aaral ay nabalam

Musmos na mukha
Nagkalat sa lansangan
Nanghihingi ng limos
Damit ay basahan

Ano na ang mangyayari
Sa anak ng bayan
Nalimutang tao
Na may pangangailangan

Sila ay biktima
Gobyernong mapanlinlang
Tanging adhikain
Sarili mapayaman

Sa dulo ng tulay
Mayroon hangganan
Di maglalaot
Maaalsa,lalaban

Silang nagugutom
Daigdig ang pasan
Pulang rebolusyon
Maglilibing sa gahaman

Martes, Mayo 25, 2010

Hanggang Di Mahanap ang Pag-asa - ni Anthony Barnedo

Hanggang di Mahanap ang Pag-asa
ni Anthony Barnedo

Kung ang isang umaga ay 'sing dilim ng isang malalim na balon
Paano pa ang gabi kung may bagyong maghahari...
At kung di mapapawi ang pighati sa unos
Patuloy bang magdurugo ang sugatang puso?

Tatakas na lang ba at di maghahanap ng lunas
Iiwas sa hagupit, sa galit at poot...
Hayaan na lang yumuko't magmakaawa
Magpapasaklaw sa kapangyarihan, magpapasakal!

Paano na, ang mahihina ay patuloy na magiging mahina...
Ang naghahari ay patuloy na maghahari...
Hanggang saan ang katapusan, may simula bang mauulit...
May pagbabago ba, hanggang saan ang pag-asa?

Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...
Umasa ng umasa...


Haggang di mahanap ang pag-asa!


July 16, 2007

Hindi Ikaw ang Dahilan - ni Anthony Barnedo

HINDI IKAW ANG DAHILAN
ni Anthony Barnedo

Ang mundo ay alipin ng ‘sang laksang dusa
Na nagmumula sa kaunlaran ng gamit at sandata
Pilitin mo mang sumabay sa rumaragasang lawa
Dugo at sakripisyo ang tangi mong pag-asa.

Ang segundo ay dumadaan at di mapipigilan
Katulad ng pagdaranas sa uring namuhunan
Ito man ay ikamatay ng kaawa-awang katawan
Wala silang pakialam basta’t tubo’y makamtan.

Ang kita’y magtatawid ng uhaw at kagutuman
Ngunit ito’y di magpapawi ng linaw sa kahirapan
Subukin mong maging masipag at matiyaga man
Iilan pa rin ang magkakamal ng iyong pinagpaguran.

Hintayin mo’t ang pangako’y wala kang mapapala
Magaling man sila’t matalino, di pa rin sila iba
Sa mga naunang imahe ng hunyango’t buwaya
Na sa kaban ng bayan sila-sila ang nagtamasa.

Kaya’t wag mong isisi sayo ang ‘yong kahirapan
Sapagkat ang opurtunidad ay kanilang pinipigilan
Wala silang alam kundi magpalago ng yaman
Kahit na nadurungisan ang iyong karapatan.

Ang tulang ito ay nabuo sa pansamantalang opisina ng DAMPA 775 Inc. March 06, 2010

Miyerkules, Marso 31, 2010

Pasyon ng Manggagawa't Maralita

PASYON NG MANGGAGAWA’T MARALITA
ni greg bituin jr.
8 pantig bawat taludtod

(ito'y binasa sa Pasyon ng Manggagawa't Maralita sa Welcome Rotunda, Marso 31, 2010)

ang gumagawa ng yaman
laging pinahihirapan
ng naghaharing iilan
namumuno sa lipunan
ay pawang mga gahaman

lagi nang nasa kalbaryo
ang buhay nitong obrero
kayod doon, kayod dito
kaybaba pa rin ng sweldo
sadyang hirap silang todo

ngayon, sa ating lipunan
kapitalista'y gahaman
sa salapi at puhunan
kanila ang pakinabang
sa obrero'y laging kulang

sa mga kapitalista
pawang tubo itong una
walang pakialam sila
sa mga obrero nila
kahit na ito'y magdusa

ang uring kapitalista
ay talagang walang kwenta
sariling interes nila
ang palaging nangunguna
sadyang kaysisiba nila

ang kawawang manggagawa
kanilang lakas-paggawa
di mabayaran ng tama
pulos sila dusa't luha
manggagawa silang dukha

kontraktwalisasyon, salot
ang kapitalista'y salot
sila nama'y isang dakot
ngunit sila ang kilabot
halina at makisangkot

mga ganid ay ibagsak
na sa tubo'y tambak-tambak
at pagapangin sa lusak
ang kapitalistang tunggak
silang pawang mapanghamak

magkaisa, manggagawa
saanmang sulok ng bansa
sa inyo ang mawawala
ay ang pagkatanikala
ng inyong lakas-paggawa

magkaisa na, obrero
itayo ang sosyalismo
na sadyang lipunan ninyo
sistemang kapitalismo
ay palitan nang totoo

Biyernes, Enero 1, 2010

Bawat Tagaktak ng Pawis

BAWAT TAGAKTAK NG PAWIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat tagaktak ng pawis ay tanda
ng sipag at tyaga ng manggagawa
bawat tagaktak ng pawis ng dukha
tanda ng isang kahig isang tuka

ngunit ang pawis ng kapitalista
ay tanda ng tusong tatawa-tawa
muli na naman siyang nakaisa
at dumaming muli ang kanyang pera

may dahil bawat tagaktak ng pawis
merong api, merong bumubungisngis
merong salat, merong kabig ay labis
nasang ang problema nila’y mapalis

ngunit kung pawis ay may halong dugo
habang binubuhay ang maluluho
mag-aaklas na sila nang mahango
sa dusa silang lagi nang nakayuko

Mga Natutulog sa Bangketa

MGA NATUTULOG SA BANGKETA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

bangenge na naman ang mga batang lansangan
baka muling nag-rugby nang gutom ay maibsan
gegewang-gewang na sila’t tulala na naman
at pati nga bangketa’y ginawa nang tulugan
tanging karton lang ang pansamantalang tahanan

silang natutulog sa bangketa’y buto’t balat
sila’y tulog na ngunit mata’y mistulang dilat
mapupula, bilog na bilog, nakamulagat
kayhimbing ng tulog kahit araw na’y sumikat
gigising ng gutom kahit ramdam nila’y bundat

sadyang kaytagal na nilang laman ng lansangan
mula pagkasilang doon na pinabayaan
sa kanila’y inutil itong pamahalaan
at walang magawa sa kanilang kalagayan
salot nga ba sila o biktima sa lipunan?

Linggo, Disyembre 27, 2009

Huwag Matakot sa Anay

Huwag Matakot sa Anay
ni anthony barnedo
12.22.09
23:27:50

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay na sumisira sa haligi nitong bahay
Bahay na siyang dapat maging kanlungan nitong buhay
Buhay na nahihirapan sa sistemang pumapatay.

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Sa anay ng lipunan na puro pasarap sa buhay
Kahit nadudusta na ang maralitang walang malay
Pangungulimbat sa sambayanan ang talagang pakay.

Paano ka magkakabahay kung takot ka sa anay?
Huwag hayaang ang anay sa atin ay lumuray
dignidad ay ipaglaban mula sa bakal na kamay
Karapatan sa paninirahan, makamit ng pantay.

(Tulang may labing anim na pantig bawat taludtod.)

Biyernes, Disyembre 25, 2009

kwento - Sayang ang Relief - ni Anthony Barnedo

SAYANG ANG RELIEF
ni Anthony Barnedo

Anim na buwan matapos masunugan ang kanilang lugar, bakas pa rin ang isang gabing bangungot na dumaan sa kanyang buhay at sa buhay ng mga kapitbahay niya. Anim na buwan ang lumipas ngunit di pa rin maalis sa isip ni Dencio ang halos apat na oras na pagtupok ng apoy sa kabahayan ng kanilang lugar.

Halos tapos na ang itinayo nilang bahay. Pagkatapos ng sunog, tulad ng mahigit isang daang pamilya na nasunugan na unti-unti na ring nakakapagpatayo ng istruktura ng kanilang bahay malibas sa iilang pamilya na halos wala talagang perang pantustos para sa pagpapagawa ng bahay.

Gayunpaman, balisa pa rin siya, di niya mawari kung paano makakaalpas sa ganitong klaseng trahedya. Siya lang ang inaasahan ng pamilya niya. Maliit pa ang apat niyang mga anak, wala namang trabaho ang asawa niya na maaari niya sanang makatulong sa paghahanapbuhay. Magkakasya ba ang sahod niya sa kumpanyang kanyang pinapasukan samantalang tatlong daan at limampung piso lang ang kanyang gana. Bukod sa mababang sahod ay apat na araw sa isang linggo ang kanyang pasok. Ang paliwanag ng kumpanya ay naapektuhan ng resesyon sa ibang bansa ang kanilang ini-export na produkto.

Halos tumulo na ang kanyang luha sa pagninilay-nilay ng mga problema na dumarating sa kanyang buhay. Iniisip pa rin niya ang sunog, ang kinabukasan ng kanyang mga anak, ang maysakit niyang ina, ang nagbabadyang pagdausdos ng ekonomya at magiging epekto nito sa kanyang trabaho, ang kinatitirikan ng kanilang bahay. Ang kanilang bahay ay minana niya sa kanyang mga magulang. Nangangamba siya na gamitin na ng may-ari ang lupa na kinatitirikan ng bahay nila.

Maya-maya pa'y may naulinigan siyang ingay sa labas ng kanilang bahay. Nasa ikalawang palapag siya. Sumilip siya sa bintana upang alamin kung saan nagmumula ang ingay. Napansin niya ang isang tanod na pinagkukumpulan ng kanilang mga kapitbahay. Nabosesan niya ang kanyang pinsan na isa sa nakapaikot sa tanod.

"Para saan po iyan?" usisa nito.

"Mamimigay ang barangay ng gocery at bigas sa lahat ng nasunugan," mabilis na sagot ng tanod.

"A, hindi pa pala tapos ang relief," sabi ng isang ginang.

"Ganon na nga po," ang tanod muli. "At malamang po, hanggang sa susunod na taon bago mag-eleksyon ang mga biyayang ito."

"A... kaya pala, galing sa pulitiko," ang pinsan niyang si Noel. "Salamat naman at naalala nila ang lugar na ito."

Natatawa siya sa ganoong usapan. Maalala lang ba ang kanilang lugar kapag may trahedyang nangyari. Naibulalas niya. "Kung hindi pa nasunugan! Hindi naman namin kailangan ang relief goods!"

Sa ganoong tagpo habang pababa siya ng hagdan mula sa itaas na bahagi ng kanilang bahay ay siya namang pagpasok ng kanilang pinsan mula sa labas ng bahay.

"O, sino ang kausap mo diyan?" nakangiting tanong nito.

"Sino ang kakausapin ko?" seryosong tugon niya.

"Tsk. Tsk. Tsk." Naiiling ang kanyang pinsan. "Easy, maaga kang tatanda niyan."

Bahagya siyang napangiti. Naisip niya na napahiya siya kung bakit ganuon ang pagtanggap niya sa naunang tanong ng pinsan. Siguro nga'y masyado niyang iniisip ang mga problema.

"Eto ang tiket nyo mula sa barangay. Mamimigay daw bukas ng alas-otso ng umaga." Ang tiket na inabot sa kanya ng kanyang pinsan ang magsisilbing stub para sa mga grocery at bigas na ipamimigay sa mga nasunugan.

Pinagmasdan muna niya ang stub bago magsalita. "Kailangan pa ba natin 'to?" Ang kanyang tanong ay tumutukoy sa relief na ipamimigay ng barangay.

"Hindi mo kailangan?" patanong na sagot ng pinsan niya.

"Ang ibig kong sabihin ay kung mas kailangan ba natin ang mga tulong na 'yan o mas may higit na kailangan pa tayo," paglilinaw niya.

"Lahat ng tao ay mas may higit na pangangailangan. Kung ito ay hindi natin paghihirapan o pagtatrabahuhan ay walang magbibigay sa atin nito. Kahit gobyerno, di kayang ibigay ang iyong pangangailangan," ani Noel.

"Ang ibig sabihin ay kung anong merong kakayahan kang kumita ay hanggang doon na lang."

"Ang ibig kong sabihin ay kung tamad ka ay hindi ka mabubuhay," madiin ang pagkakabigkas ni Noel sa salitang "tamad".

Natawa siya sa tinuran ng pinsan. Inisip niya kung ilan ang tamad sa Pilipinas at ang dami ng di umuusad ang buhay. Makikita nga ang iskwater sa lahat ng estero ng Paco. Ibig sabihin, tamad sila. Dumarami ang "side car boy" na nagtitiyaga sa sampung pisong pasahe ng bawat biyahe ng pasahero. Ilan ngang kapitbahay nila ay kumikita lang ng seventy pesos sa maghapong pamamasada. Tama ba 'yan? Ano ba ang sukatan ng pagiging masipag para makamit ang sapat na pangangailangan?"

"Tatawa-tawa ka diyan. Sayang ang relief goods, sabay na tayong kumuha bukas ng umaga." Tinapik nito ang kanyang balikat hudyat ng pagpapaalam nito palabas ng bahay.

"Sandali lang," pigil niya kay Noel, "Buksan mo muna iyang kulay asul na balde," utos niya bago pa man makalabas ito ng bahay.

"Bakit?" nagtatakang tanong nito na naibaling ang mata sa tinukoy ni Dencio.

"Basta buksan mo lang," aniya.

Binuksan ni Noel ang isang malaking balde. Halos puno ito ng bigas.

"Sa kabilang kahon na katabi ng balde na 'yan ay puro instant noodles ang laman. Tapos, sa maliit na balde na pinagpatungan ng kahon na iyan ay puro delata ang laman. May sardinas, corned beef at pork 'n beans."

"Ibig sabihin, hindi mo na kailangan ang relief," ito naman ang tatawa-tawa. " Hanggang saan aabot ang mga iyan?"

Bago magsalita si Dencio ay may inilabas ito sa bag na kinuha niya sa pagkakasabit sa dingding ng bahay. "Pagmasdan mo itong isang box ng vitamins. Mula ito sa isang multinational foundation."

"Multinational foundation," napahalakhak si Noel.

"Isang foundation na pag-aari ng isang multinational na businessman," natatawa rin siya.

"O, ano naman ang istorya sa likod ng vitamins na 'yan."

"Natatandaan mo ba ang signature line nito sa commercial ads sa TV?"

"A, bawal magkasakit!"

"Isang daan ang lamang vitamins ng box na ito. Ibinigay ito two months ago. Dalawang buwan ay may sixty days. E, di may matitira pang thirty-nine capsules ng vitamins kung araw-araw kong iniinom ang mga vitamins na ito."

"O, ano naman ang punto de bista mo?"

"Ngayon, tingnan mo ang label ng vitamins." Iniabot niya ang isang banig ng vitamins sa kanyang pinsan. "Twenty-three days na lang, expire na ang vitamins na iyan."

"Mage-expire na nga ito." Kagyat na natigilan si Noel.

"HIndi lang 'yan, lahat ng noodles at delata ay malapit na ring mag-expire."

Inusisa rin ni Noel ang mga delata at noodles. Iiling-iling ito sa natuklasan. "Ipapakain nila ito sa atin?" ang reaksyong iyon ang hudyat sa pagkakaintindi nito sa nais ipahiwatig ni Dencio.

"Maaaring ang mga iyan ay sobrang produkto ng mga kumpanya na hindi na nabibili sa merkado. Napakasakit isipin na saka lang ipamimigay sa atin bilang tulong kung kelan hindi na nila pakikinabangan. Paano kung walang nangyaring sunog? Saan kaya mapupunta ang mga produktong iyan?" Ang mga bagay na iyon ang madalas naglalaro sa isipan ni Dencio. Talaga nga bang nalugi ang karamihang kumpanya dahil sa recession na naganap sa Amerika. Napakalaki ng epekto nito sa kanyang pamilya.

"Sayang ang mga ito kung itatapon lang natin ito sa bandang huli."

"Mas kailangan ba natin ang relief o mas may iba pa tayong kailangan?" tanong niya sa pinsan.

"Sa tingin ko, maraming problema ang talagang di nabibigyan ng pansin ng gobyerno natin," seryosong sabi ni Noel. "Siguro nga hindi natin kailangan ang relief... mas kailangan natin ang agarang solusyon sa lumalalang problema ng kahirapan."

Kinabukasan, mahaba ang pila sa tapat ng barangay. Nakamikropono ang kapitana. Nagsilbi siyang emcee sa maikling programa bago ipamigay ang relief.

Hanggang may dumating na convoy ng mga sasakyan. Makikilala agad kung sino ang dumating, paano'y naka-imprenta sa gilid ng isang van ang pangalan ng isang konsehal.

Pagkatapos ng maikling programa at pagsasalita ng nangangakong konsehal ay ipinamahagi na ang mga relief goods sa mga pamilyang biktima ng sunog.

Sa kahabaan ng pila ay naroon ang magpinsang Dencio at Noel. Sa napakainit na sinag ng araw ay nagsisiksikan ang mga tao sa pagkuha ng munting biyaya mula sa konsehal.

"E, ano kung nagsisiksikan at mainit," katwiran ng isang ale.

"Sayang ang relief, dito lang naman namin sila napapakinabangan," katwiran naman ng isang ginoo.

Huwebes, Disyembre 10, 2009

Juan Boluntaryo

Juan Boluntaryo
ni Sanyto Sederia

Si Juan Tamad ay naghahangad ng pagbabago
Ngunit hindi alam kung paano gagawin ito
Makakamit lamang ang pagbabago
Kung ang lahat ay tulad ni Juan Boluntaryo

Si Juan Boluntaryo ay may layunin
Pinapangarap na lipunan para sa atin
Pantay ang lahat walang api at alipin
Walang pag sasamantala sa pag gampan ng gawain

Kumilos ng walang alinlangan
Kapalit ay hindi inaasahan
Sa papuri at pasasalamat ay lubos ang kasiyahan
Pagkat ang pagtulong ng walang kapalit ay karangalan
Kung nais ninyo ng pagbabago
Kumilos at sumabay kayo
Sa agos ng buhay pagsasakripisyo
Tumulad tayo kay juan Boluntaryo

Miyerkules, Disyembre 9, 2009

Himlayan ng Maralita

Himlayan ng Maralita
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Dito
Nakahimlay
Ang mga kabahayang
Inalsan ng mga bibig, mata
Paa, kamay
Upang bigyan-daan
Ang panapal
Sa bawa kilometrong
Daraanan ng mga de-gulong
At sa bawat limpak
Na pampakapal sa bulsa.
Dahil walang puwang
Sa ngalan ng kaunlaran
Ang lipon ng mga guhuing
Kabahayan nakakaiirita
Sa mga matang-bulag.
Subalit,
Sa himlayan ring ito
Muling mabubuhay
ang mga kaluluwang
bunuklod ng panaghoy, dalit,
sigaw, galit
upang ipaglaban
ang dangal nila’t
karapatan.

Kariton - ni Ding B. Manuel

Kariton
ni Ding B. Manuel
KPML Child’s Rights Advocates

Gumugulong
Ang tagpi-tagping
Buhay
Ng basurang humihinga,
Nakikipaghabulan
Sa agos ng sanga-sangang
Kaligaligan
Nakikipagbuno
Sa alon ng walang katiyakang
Daluyong.

Minsang hihinga,
Madalas ay hindi,
Subalit patuloy
Sa paggulong
Upang sa paglatag
Ng karimlan
Ay maging himlayan
Ng napatang basahan.

Huwebes, Nobyembre 19, 2009

Rx: EO 803

Rx: EO 803
ni Noel Manzano
Setyembre 19, 2009

Ang maralita'y nabubuhay
na isang kahig, isang tuka
Sa kanyang bayan, naninirahan
ng walang sariling lupa
Minsan sa estero, riles
ilalim ng tulay at kalsada
Makatarungan bang tawaging
iskwater? Pilipino siya!

Gobyerno'y sumasakit ang ulo
sa lahat ng maralita
Kaya't siya ay nag-isip
at nang sakit ng ulo'y mawala
Nakaimbento ng medisina
matinding 'virus' nagawa
Sakit ng ulo nila'y mawawala
Cancer naman sa maralita!

Paano na ba 'to? Ang naglilingkod
naghuhudas talaga
Akala mo'y tulong! Karapatan
buong puso niyang ginigiba
Serbisyong pabahay ay ginawang
negosyo sa maralita
E, pagbibigay sa dayuhan
pag-aalinlangan ay wala!

* Si Noel Manzano ay isang lider-maralita at taga-Maynila.

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.