Sabado, Hunyo 28, 2008

Tula: Batang Manggagawa - ni Antonio Pesino

BATANG MANGGAGAWA

ni Antonio Pesino

Mabangis ang lamig sa paghihintay ng bukang liwayway
Tinutuhog ito ng ideyang makamit ang tagumpay
Na sa bawat minuto’y may kapalit na gintong mahukay
na papawi sa paghihikahos ng kalamnan at buhay.

Mula sa init ng araw, katawang paslit ay pinanday
Kaakibat nitong nagpupumiglas ng damdaming taglay
Paano makawawala sa tanikalang pumapatay?
Sa panahong dapat ay isang maayos na pamumuhay.

Delubyo ang haring araw, sa lakas paggawa’y sumabay
Tagaktak ang pawis, sa balikat ‘tong mundo’y nakasampay
At bawat pagnanais ay di makaahon sa pagkampay
At bawat pagnanais makarating ay di magtagumpay.

Ni pag-angkin sa karapatan ay walang kamalaymalay
Kahit paglalaro ay walang puwang kahit sa bahay
Kaligayahan ay ang salaping pinagpagurang tunay
Tumatawid sa kahirapan kahit walang gumagabay.

Ngunit di sa dapithapon natatapos ang paglalakbay
Hindi lamang sa pagbubungkal ng lupa iwawagayway
Hindi sa basurahan, palaisdaan nakasalalay
BATANG MANGGAGAWA, dapat lang sa eskwelahan ilagay.

- labing pitong pantig

oct. 07, ’07, Villa Consuelo

Walang komento:

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.