Linggo, Hunyo 29, 2008

Mula Danger Zone Hanggang Death Zone


MULA DANGER ZONE HANGGANG DEATH ZONE

(Ito ang nilalaman ng polyetong inilabas noong Abril 2003, sa kalahating bond paper, back to back)

Mula sa delikadong lugar, tungo sa lugar ng kamatayan! Iyan ang buod ng programa ng gubyerno para sa ating mga maralitang lungsod. Nakakasa na ang plano ng gubyerno upang alisin ang tinatawag nila ng iskwater ang Metro Manila at mga karatig-pook.

Totoong delikado ang lugar na tirahan naming maralita. Riles, ilalim ng tulay, gilid ng ilog at dagat, tambakan, kariton sa mga plasa at bangketa. Delikadong masagasaan, tangayon ng agos, matabunan ng bundok ng basura, makasinghot ng masamang amoy at maruming hangin. Delikadong lahat sa buhay ng tao.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Totoong hindi atin ang lupang ating tinirikan. Lupa ng gobyerno. O kaya, lupa ng mayaman. Dahil hindi atin, pwede tayong palayasin. Pwede tayong kasuhan.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Totoong hindi disente ang ating tirahan. Nakakahiya sa mata ng iba. Laluna sa mata ng mayayaman at gubyerno ng mayayaman.

Alam natin iyan. Noon pang bago tayo magpasyang tumira rito. Hindi na kailangang sabihan tayo ng kung sinong Pilato.

Ang totoo nga e parang impyerno ang buhay natin kung ikukumpara sa buhay ng mayayaman at matataas na opisyal ng gubyerno.

Alam natin iyan. At alam din iyan ng gubyerno. Alam iyan ng gubyernong dapat maglingkod sa mga kagaya natin.

Ngunit sa halip na hanguin tayo sa mala-impyerong kalagayan, mas gusto pa ng gubyernong ito na itaboy tayo kung saan-saan o kung suswertehin ka'y unti-unti kang patayin sa mga relocation sites na walang tubig, walang kuryente at, pinakamatindi, walang hanapbuhay!

Mas malala pa ito sa danger zone o delikadong lugar. At least sa danger zone ay malaki ang tsansang mabuhay. At tayo nga dito'y nabubuhay.

Sa gusto nilang pagdalhan sa atin matapos gibain ang ating mga bahay ay walang tsansang mabuhay. Unti-unti kang pinapatay. Walang tubig. Walang kuryente. Walang hanapbuhay. Paano ka mabubuhay dyan?

Hindi natin ginusto ang ganitong buhay. Ang pagtira sa delikadong lugar, ang pagtirik ng bahay sa hindi natin lupa, ang di disenteng pamumuhay ay hindi natin ginusto. Hindi nga natin ito pinangarap. Hindi natin inambisyon.

Ang inambisyon natin noon ay katulad din ng iba na nag-ambisyon ng disente at masaganang buhay. Pero tayo'y nasadlak sa ganitong buhay. Sapagkat hindi natin kontrolado ang mga bagay na nagpapagalaw sa lipunan na siyang pinag-uugatan ng ganitong kalagayan. Pinakamalaking papel dito ang gubyerno na dapat ay nangangalaga sa kapakanan ng taumbayan. Pero naging dahilan pa ng paghihikahos ng maraming mamamayan.

Dahil ang gubyerno noon at ngayon ay hindi ginagawa ang tungkulin nito sa kanyang mamamayan. Kung seryoso ang kasalukuyang gubyerno, dapat nitong gawin ang mga sumusunod:

1. Ihanap ng relokasyon ang lahat ng idedemolis. Bigyan ng hanapbuhay sa malilipatan. At gumawa ng imprastruktura para sa tubig at kuryente, kasama rito ang social cost dahil sa dislokasyon ng mga inilipat.

2. Patigilin ng gubyerno ang paniningil ng PPA. Dahil hikahos na tayong mga maralita ay sinisingil at magbayad sa kuryenteng hindi naman ginamit. At huwag nang payagang magtaas ng presyo ng kuryente at tubig upang di lalong maging impyerno ang ating buhay.

Ito ang ating pananaw sa gubyerno sa okasyon ng Araw ng Paggawa sa Mayo Uno. Kasama ng mga kauri natin sa pabrika, ating ihahayag sa Malakanyang ang mga kahilingang ito.

Kung di ito magawa, walang kwenta ang gubyernong ito. Tulad din ito ng mga nagdaang gubyerno. Paghandaan na natin ang pagtatayo ng isang bagong-bagong gubyerno. Yung gubyerno ng manggagawa at maralita.

Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML)
Zone One Tondo Organization (ZOTO)
Koalisyon Kontra Demolisyon (KKD)
Abril 2003

Ang KKD ay itinayo noong Oktubre 14, 2002 sa KKFI, P. Paredes St., Sampaloc, Manila.

Pahayag Laban sa Demolisyon

PAHAYAG NG PAGKAKAISA
LABAN SA DEMOLISYON
mula sa Koalisyon Kontra Demolisyon
(Ang Pahayag na ito ay binasa at pinagkaisahan ng tatlumpu’t dalawang [32] lokal na organisasyon ng maralita na siyang bumuo ng Koalisyon Kontra Demolisyon [KKD] noong Oktubre 14, 2002 sa KKFI, P. Paredes St., Sampaloc, Manila. Ang pahayag na ito’y nabuo sa naitatag na Anti-Demolition Task Force noong 1994 at muling isinaayos upang gamitin ng mga maralita noong 2002.)
Tawag namin sa sarili ay mga maralita ng lunsod. “Squatters” kami ayon sa gobyerno. Nagsama-sama kami ngayon bilang isang koalisyon: Koalisyon Kontra Demolisyon.
Ang aming komunidad sa kasalukuyan ay binubuo ng halos 70,000 pamilya na halos 350,000 kataong gigibain ang mga bahay dahil may desisyon ang gobyernong Arroyo na kami ay alisin.
At kung kami ay hindi papayag na umalis, tiyak na kami ay gagamitan ng dahas. Pwersahang ebiksyon. Marahas na demolisyon.
Ang aming katanungan: Tama bang daanin kami sa dahas ng gobyerno?
Iligal daw ang aming paninirahan sa aming mga komunidad. Kami raw ay naninirahan sa mga pribadong lupain, mga danger zones, at mga lugar na may proyekto ang gobyerno. At sa mga dahilang ito, kami raw ay dapat alisin, kakasuhan at pwersahan kung kinakailangan. Ibig sabihin ba nito, kami ay mga kriminal? Ang maging squatter ba ay katumbas ng pagiging kriminal?
Ang sagot namin: Hindi kami mga kriminal!!! Wala kaming ginawang krimen dahil hindi namin kasalanan ang maging mahirap. Kasalanan bang ipinanganak na mahirap? Ang alam namin, kami’y mga biktima. Biktima ng isang lipunang punung-puno ng inhustisya. Biktima ng deka-dekadang kapabayaan at kabulukan ng pamahalaan.
Hindi krimen ang maging mahirap. Ang kriminal ay kung sino ang may kagagawan ng ganitong kahirapan ng mamamayan. At sino pa kundi ang nagpalit-palit na gobyernong di mabigyan ng kaunlaran ang taumbayan at ang inaatupag lamang ay ang kanilang pansariling kapakanan.
Kung hindi kasalanan ang maging mahirap, at ang may kagagawan nito ay ang pamahalaan, bakit kami dadaanin sa dahas, sapilitang gigibain ang aming mga bahay, pwersahang demolisyon ang kanilang patakaran?
Sagabal daw kami sa pag-unlad. At ang mga lupaing aming kinatitirikan ay mas nababagay daw na gawing lupaing komersyal at industriyal. Sayang lang daw ang mga lupaing ito kung titirhan lang daw ng mga hampaslupang tulad namin. Kailangan daw ito para sa mga proyekto ng pamahalaan, ng mga shopping centers, golf courses, memorial parks at iba pang proyektong pamprogreso raw.
Hindi kami tutol sa progreso. Pero humihingi kami ng hustisya. Hindi dapat na mangyaring sa interes ng progreso ay sasagasaan ang interes ng hustisya. Ang progreso at hustisya ay dapat na laging magkaagapay.
Kailanman ay hindi magiging makatarungan ang kami ay dahasin sa ngalan ng progreso, kung progreso mang matatawag ang mga proyekto ng gobyerno.
Kailanman ay hindi magiging makatarungan ang ipwersa ng estado ang kanyang gusto, kahit pa may mando ang husgado, kung ito ay labag sa kalooban ng tao.
Kailangang magkasundo, gaano man kahirap, ang mamamayan at gobyerno at hindi pwede ang patakaran ng karahasan.
Bakit hindi magawa ng gobyerno ang kami ay matyagang kausapin at unawain, imbes na puro banta’t ultimatum, pwersahang ebiksyon at marahas na demolisyon?
Kung “mahirap” man kaming “kausap”, simple lang ang paliwanag: Dahil walang makatarungang alok ang pamahalaan. Puro pampalubag-loob. Walang alam sabihin kundi “iligal” kami at “mabuti nga’t binibigyan pa kami ng konsiderasyon”. Para bang wala na kaming karapatan at nagmamagandang-loob lang ang pamahalaan.
Hindi kami nanghihingi ng awa’t limos, ang hinihingi namin ay hustisya.
Kung sa ngalan ng progreso, kami ay gigibain, sa ngalan ng hustisya, kami ay lalaban. Sa labang ito, kami ay koalisyon na magkakapit-bisig. Laban ng isa, laban ng lahat. Lahat para sa bawat isa. Kung kami ay hiwa-hiwalay, kami ay iisa-isahin. Kung sama-sama ang may 70,000 pamilya, ang 350,000 katao ay isang malakas na pwersa para sa makatarungang pakikipaglaban.
Sa pamahalaan, aming hinihiling: Una, absolutong ipagbawal ang pwersahang ebiksyon at marahas na demolisyon. Ikalawa, negosasyon, hindi demolisyon, ang tamang proseso sa paghanap ng solusyon sa problema ng maralita.
Ayaw namin ng karahasan. Gusto namin ng negosasyon. Pabor kami sa progreso, pero dapat kalakip nito ay hustisya. Kung nakikipagnegosasyon ang gobyerno sa mga armadong kilusan upang magkasundo, kailangan din ba naming mag-armas para magkaroon ng negosasyon at itigil ang marahas na demolisyon? Kung may negosyador ang gobyerno sa mga armadong kilusan, humihingi rin kami ng negosyador na makauunawa sa kaapihan ng maralita at ipaglalaban ang kapakanan at hustisyang panlipunan.
Para sa progreso at hustisya, mabuhay ang mga maralita ng lunsod.
Taliba ng Maralita
Oktubre-Disyembre 2002

Sabado, Hunyo 28, 2008

Tula: Mangarap at Kumilos - ni Ramon Miranda

MANGARAP AT KUMILOS
ni Ramon B. Miranda

Nais mong maabot lipunang malaya
Ibig mong makamit kaginhawaan ng madla
Nangarap kang ang lupa’y ibigay sa timawa
At masaganang buhay para sa manggagawa.

Paano mo mararating ang pangarap na ito
Kung bulag ka sa nangyayari sa paligid mo
Tainga mo nama’y bingi sa karaingan ng tao
Di mo pinapansin ang kanilang pagsusumamo.

Pananaw mo sa buhay, bakit ba ganyan?
Nais mong tumulong ikaw nama’y nag-aalinlangan
Ikaw ba’y natatakot iyong karapata’y ipaglaban?
O iniisip mo lamang ang sarili mong kapakanan?

Kung sa dibdib mo’y takot ang namamahay
Pangarap mong lipunan di maipagtatagumpay
Kaya nakasalalay sa iyong mga kamay
Taos-pusong pakikilahok sa pakikibaka ng buhay.

Kaibigan halina’t mag-aral at mag-isip
Tayo nang bumangon sa pagkakaidlip
Karapatan natin kailangang masagip
Sa kuko ng mapagsamantala, gahaman at sipsip.

Sa sistemang bulok, huwag aksayahin
Itong kinabukasang tinataglay natin
Ang ating mga teorya’y dapat pagyamanin
Buhay ay gugulin sa magandang adhikain.

Gawaing pagmumulat ay mahirap talaga
Sanlaksang pilosopo sa iyo ay dadagsa
Kung magtitiyaga ka lamang sa pag-oorganisa
Hanay ay mabibigkis, lipunan ay lalaya.

Nasa pagkilos ang ating paglaya
Hindi sa pangarap at patunga-tunganga
Kung hindi ngayon, kailan pa
Kaya kilos na, baka masayang ka!

Tula: Parang Ibon - ni Sammy Arogante

PARANG IBON

ni Sammy Arogante


Nagmula sa nayon

Nangarap umahon

Parang ibong langay-langayan

Dapo dito, dapo doon


II

Tulad ng maralita

Tirik dito, tirik doon

Kahit masikip, ito’y tinitiis

Estero, kalsada, kami’y nakatirik


Kahabaan ng Boulevard

Inyo kaming masisilip

Tahanang tagpi-tagpi

Ito’y masisikip


III

Bata ay masasaya, panganib di alintana

Tangkang demolisyon, sa kanila’y balewala

Basta’t makapaglaro, sila’y masaya na

Mga dyip, trak, kanilang kaulayaw

Murang kaisipan ay wala pang alam

Kung anong sasapitin ng abang kalagayan


IV

Araw man o gabi, kami’y di mapakali

Dahil ang panganib, lagi naming katabi

Lugar na tinitirikan, malapit sa aksidente

Sa hirap ng buhay, nakikipagsapalaran lagi.


V.

Mabuti pa ang ibong langay-langayan

Maraming madadapuan

Pero kaming maralita

Madalas walang tirahan

Lagi pang binubulabog

Ng pesteng pamahalaan

Kaya nagtitiis na lang kumubli

Maging sa ilalim ng tulay

Kailan pa sila tutulungan

Ng pamahalaan

Para maisaayos naman

Ang kanilang pamumuhay?

Tula: Batang Manggagawa - ni Antonio Pesino

BATANG MANGGAGAWA

ni Antonio Pesino

Mabangis ang lamig sa paghihintay ng bukang liwayway
Tinutuhog ito ng ideyang makamit ang tagumpay
Na sa bawat minuto’y may kapalit na gintong mahukay
na papawi sa paghihikahos ng kalamnan at buhay.

Mula sa init ng araw, katawang paslit ay pinanday
Kaakibat nitong nagpupumiglas ng damdaming taglay
Paano makawawala sa tanikalang pumapatay?
Sa panahong dapat ay isang maayos na pamumuhay.

Delubyo ang haring araw, sa lakas paggawa’y sumabay
Tagaktak ang pawis, sa balikat ‘tong mundo’y nakasampay
At bawat pagnanais ay di makaahon sa pagkampay
At bawat pagnanais makarating ay di magtagumpay.

Ni pag-angkin sa karapatan ay walang kamalaymalay
Kahit paglalaro ay walang puwang kahit sa bahay
Kaligayahan ay ang salaping pinagpagurang tunay
Tumatawid sa kahirapan kahit walang gumagabay.

Ngunit di sa dapithapon natatapos ang paglalakbay
Hindi lamang sa pagbubungkal ng lupa iwawagayway
Hindi sa basurahan, palaisdaan nakasalalay
BATANG MANGGAGAWA, dapat lang sa eskwelahan ilagay.

- labing pitong pantig

oct. 07, ’07, Villa Consuelo

Sanaysay: Kabute ng Lunsod - ni Ramon Miranda

KABUTE NG LUNSOD

ni Ramon B. Miranda

Samu’t sari ang suliraning dinaranas ng ating lipunan. Isa na rito ang lumalalang problema sa paninirahan. Marami sa ating kababayan ang nangangarap na lamang sa isang sulok ng kamaynilaan. Sila’y makikita natin kahit saan. Sila ang tinatawag nating maralitang tagalunsod o “Iskwater sa Sariling Bayan”.

Kung ating pagmamasdan at bibigyang pansin, sila’y tila mga kabuteng nagsusulputan na nakakalat sa kalunsuran. Ang pinagtagpi-tagping basura na nagsilbi nilang tahanan ay tamang-tama lang sa kanila para hindi abutin ng atake ng init at lamig ng kalikasan. Ito ang nagsisilbing pananggalang sa kanilang animo’y mga kawayang pangangatawan dahil na rin sa kakulangan ng pambili ng mga masusustansyang pagkain na dapat sana’y nasa kanilang hapag-kainan katulad ng mga kinakain ng mga taong nakaririwasa sa buhay. Sa tingin ng iba nating kababayan, ang mga tulad nila ay dumi sa ating lipunan na nagbibigay-dungis sa gubat ng kalunsuran. Tinatawag silang sakit sa mata o “eyesore” ng mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bayan. Ikinahihiya sila ng mga kinauukulan sapagkat sila’y tila nagsisilbing putik sa isang malinis na damit ng mga maharlika sa isang kaharian.

Bakit ganito na lang ang pagtrato ng ilan nating mga kababayan, partikular na ang mga may tangan ng kapangyarihan? Nasuri na ba nila ang puno’t dulo ng kanilang karalitaan? Kung hindi naman, dapat nilang pag-aralan ang pinagmulan o pinag-ugatan nito. Ang karamihan sa tinatawag nating “Iskwater sa Sariling Bayan” o “Kabute ng Lunsod” ay karaniwang biktima ng mga ganid at mapagsamantalang mangangamkam ng lupa doon sa kanayunan. Sila ang mga dating magsasaka na may sariling lupa na pinagpapala na dati-rati’y kumikita nang sapat-sapat para mabuhay.

Sa iba’t ibang mga kadahilanan, maraming mga kaganapan sa kanilang buhay ang halos magpaputi ng kanilang buhay. Nariyan ang pagpasok ng iba’t ibang mayayamang may-ari ng kompanya na biglang magpapakita ng titulo ng lupa sa kanilang sinasaka. Nariyan ang mga panukala para sa pagpapalit-anyo ng sistema ng pamumuhay sa kanayunan na walang iba kundi ang di-mapigilang pagsulong ng industriyalisasyon.

Kung pakasusuriing mabuti, ang mga lupaing pinagtataniman ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga produkto upang pakainin ang lipunang Pilipino ay hindi na magiging produktibo dahil isasakongkreto na ang mga ito para pagtayuan ng mga pagawaan. Dahil nga kulang sila sa lakas at impluwensya, marami ang walang kakayahang maipaglaban ang kanilang mga lehitimong karapatan bilang tao. Ang abang kapalarang ito ang nagsisilbing ugat ng pagdami ng maralitang tagalunsod sa ating bayan.

Ngayon nga’y sa lunsod sila nagdagsaan at natatanaw natin kahit saan. Sa tabi ng riles, estero at basurahan o di kaya ay sa ilalim ng tulay at mabahong tambakan. Sila’y nagpipilit mamuhay sa kabila ng karalitaan. Sa kasamaang-palad, sila ang kadalasang nagiging biktima ng mabangis na kalunsuran. Kahit sa ganitong kalunus-lunos na kalagayan, makikitaan mo pa rin sila ng kaunting kasiyahan dahil kahit papaano ay nararanasan nila ang tahimik na pamumuhay.

Subalit ang kadalasan, ang mga katulad nila ay hindi nakatatakas sa pangil ng kalunsuran sapagkat ang pamahalaan ay maraming balakin at programa para sa ikauunlad at ikagaganda ng kapaligiran. Isa sa mga halimbawa nito ay ang Luntiang Pangkalinisan o ang tinatawag na “Clean and Green Project” ng mga lokal na pamahalaan. Sa layuning ipakita sa mga dayuhang turista ang natutulog na kagandahan ng kalunsuran, masasaksihan sa lunsod ang walang katapusang gibaan ng mga tahanan ng maralita na itinuturing nilang nagpaparumi sa kalunsuran, partikular na yaong nasa tabi ng riles, estero, ilalim ng tulay, at tabi ng mabahong tambakan ng basurahan. Sa ganitong kalagayan, ang mga maralitang lunsod ay natutong mangatwiran sa kinauukulan. Biktima na nga sila ng karahasan sa kanayunan, pati ba naman sa kalunsuran ay hindi pa sila titigilan? Paano matatahimik ang buhay ng mga nilalang na ito kung sa bawat tinitirikan ng kanilang bahay ay lagi na lamang pinalalayas at pinandidirihan ng mga kinauukulan?

Kailan kaya malulunasan ang suliranin sa pananahanan ng mga pulitikong halal ng bayan? O talagang walang utang na loob ang mga pulitikong iyan na matapos mapakinabangan ang mga boto ng mga maralitang mamamayan hindi man lang nila bigyang pansin ang kanilang karaingan. Kung palaging ganito ang mararanasan ng mga mahihirap nating kababayan, mawawala ang tiwala nila sa pamahalaan lalo na sa mga inihalal ng bayan.

Kung hindi susuriin at reresolbahin ang ugat ng kahirapan sa ating lipunang ginagalawan, ang “Kabute ng Lunsod” ay lalo pang darami at lalo pang magsusulputan at sila’y masisilayan natin saan mang dako ng kalunsuran.

Kapag nangyari ang ganito, pati mga pambansang tanggapan o maging ang mga pambansang lansangan ang magsisilbi nilang tulugan hanggang sa makamtan nila ang minimithing maayos at disenteng tahanan. Ito ang araw ng pagbangon ng kanilang kamalayan upang pigtasin ang tanikala ng kahirapan.

Sanaysay: Paralegal at Maralita - ni GBJ

PARALEGAL AT MARALITA

ni Gregorio V. Bituin Jr.

Libu-libong mga maralita ang pinalalayas na lamang na parang hayop sa mga pampubliko at mga pribadong lupa, sa mga lupang tatayuan ng proyekto ng gobyerno, tulad ng imprastruktura, tulad ng kalsada, tulay, at iba pa. Winawasak ang kanilang mga tahanan dahil nakatirik sa mga delikadong lugar, tulad ng estero, tabing-ilog, riles, at bangketa. Sila umano’y masakit sa mata ng gobyerno’t mga kapitalista, lalo na’t may bumibisitang “importanteng” dayuhan sa bansa. Kailangan silang idemolis at itapon sa malalayong lugar. Parang pusang gala ang tingin sa kanila ng mga matapobreng nasa poder ng kapangyarihan. Winawasak ng mga nasa kapangyarihan ang mismong dignidad ng maralita. Dinedemolis ang tahanan ng maralita ng walang “due process of law”, walang “equal protection of the laws”, at walang makatarungang kumpensasyon. Ang matindi pa rito, mabilisan ang pagpapatupad ng desisyon kapag ito ay hindi pabor sa mga tao.

Sa ganitong kadahilanan, tama lamang na malaman ng maralita ang ilang mga batas na may kaugnayan sa kanila at sa lipunang ginagalawan upang kanilang maipagtanggol ang kanilang karapatang mabuhay ng maayos at marangal, karapatang magsalita at magpahayag, karapatang magkaroon ng disenteng paninirahan, karapatang magkaroon ng sapat na trabaho, karapatang ituring na tao at hindi basura, at iba pang karapatang nasusulat sa Universal Declaration of Human Rights (1948), International Covenant on Civil and Political Rights (1966), International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (1966), Konstitusyon ng Pilipinas (1987), at iba pa. Ang batas ay dapat kumiling sa maralita, pagkat sa katayuan pa lang ay agrabyado na sila. Sila ay mahirap, habang ang nagpapademolis sa kanila ay mayaman, o kaya’y makapangyarihan, o nasa poder. Kaya nararapat lamang idepensa ng maralita ang kanilang sarili, laluna ang kanilang komunidad, kung sila’y idedemolis at sapilitang palalayasin sa lugar ng hindi dumaan sa makataong proseso.

Kadalasan, nabibigla na lamang ang maralita na may demolition order mula sa korte. At ang asal ng mga nagdedemolis sa mga maralita ay katulad ng mataderong kumakatay ng baboy. Wala silang pakialam sa maralita, kahit na lalong mapariwara ang dati nang aping buhay nito.

Pero dapat may gawin ang maralita. Dapat niyang ipagtanggol ang kanyang dignidad na matagal nang ninakaw ng sistemang panlipunang umiiral. Sistemang ang tingin sa mga maralita ay hayop na walang karapatang mabuhay.

Narito ang ilang ibinahaging kaalaman sa mga maralita hinggil sa usaping paralegal. Ang paralegal ay ang pag-alam at paggamit ng sinumang hindi abogado ng mga batas na umiiral sa layuning ipagtanggol o idepensa ang sinuman sa ngalan ng hustisyang panlipunan.

Ilan sa mga batas na may kaugnayan sa maralita ay ang mga sumusunod:

a. Artikulo XIII, Seksyon 9 at 10 ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987

b. Artikulo III, Bill of Rights ng Konstitusyon ng Pilipinas ng 1987

c. Republic Act 7279, mas kilala sa tawag na UDHA (Urban Development and Housing Act), o Lina Law

d. Executive Order 152

Mga maaaring isampang kaso pagkatapos ng sapilitang pagdemolis.

a. Kasong kriminal – maaaring sampahan ng kasong kriminal ang mga nagdemolis kung lumabag ang mga ito sa batas-kriminal, tulad ng damage to property, theft, robbery, grave threats, grave coercion, atbp, kung saan maaaring mabilanggo ang mga nagdemolis at magbayad ng multa

b. Kasong sibil – maaari ding pagbayarin ng damages, tulad ng disturbance fee at moral damages, ang mga nagdemolis dahil sa perwisyong kanilang naidulot.

c. Kasong administratibo – maaari ding kasuhan ang mga nagdemolis ng kasong administratibo, tulad ng reprimand o warning, suspension, at dismissal.

Dapat na tandaan na lahat ng ito ay may legal forms, o mga kasulatang tumatalakay o nagsasabi hinggil sa bawat transaksyon, kasunduan, ligal na liham, apidabit, subpoena, resibo, at iba pa. At hindi dapat katakutan ang anumang legal forms, kundi unawaing mabuti ang nilalaman.

Dapat din nating maunawaan ang iba’t ibang doktrina ng pag-aari ng lupa, tulad ng Regalian na noong panahon ng Kastila, lahat ng pampublikong lupa sa Pilipinas ay pag-aari ng Espanya (ngayon ay wala na ang batas na ito, dahil wala na tayo sa panahon ng mga Kastila). Nariyan din ang Torrens system, kung saan ang mga titulo ng lupa ang siyang mapagpasya o matibay na patunay ng pag-aari ng lupa. Dapat ding alamin kung ano ang OCT (original certificate of title) at TCT (transfer certificate of title) para matiyak na hindi mapupunta sa kamay ng sindikato ang lupa.

Halimbawa namang idinemolis na ang bahay ng maralita, dapat niyang idemanda ang nagpademolis kung hindi ito sumunod sa tamang proseso. Dapat ding humingi ng disturbance fee ang mga maralita.

Kapag nasira ang mga kagamitan ng maralita, sampahan nila ng kasong damage to property ang mga nagdemolis. Kapag nangawala ang mga kagamitan ng maralita dahil sa mga demolition teams, dapat silang magsampa ng theft o robbery. O kung sapilitang kinumpiska o inagaw ng sinuman sa demolition teams ang kanilang mga ari-arian, kailangan nilang magsampa ng qualified theft.

At ang mahalaga ay ang paggamit natin ng mga metalegal na pamamaraan, tulad ng rali, barikada, atbp., upang depensahan ang ating karapatang mabuhay sa lipunang ito.

Sanaysay: Diyalektika

DIYALEKTIKA: GABAY SA PAGSUSURI
ni greg bituin jr.

Mahalagang pag-aralan ng maralita kung ano ang diyalektika. Mahalaga pagkat ang diyalektika ang teorya at praktika ng wastong pamamaraan ng pag-aaral at pagtuklas sa kaalaman. Ang praktika ay bukal ng teorya habang ang teorya ay pinagyayaman ng praktika. Ito ang walang tigil na pag-unlad ng kaalaman ng tao batay sa tuloy-tuloy na praktikal na karanasan ng tao sa kanyang ugnayan sa kalikasan at kanyang pakikipag-ugnayan sa lipunan.

Halimbawa, sa usapin ng kahirapan. Naniniwala ba ang maralita na ang dahilan ng kahirapan ay katamaran, kasalanan, kamangmangan, kapalaran at populasyon? Ang mga dahilang ito ito ang pilit na isinusubo ng gobyerno sa kanilang utak. Kung susuriin ng maralita ang kanyang kalagayan, hindi ito totoo!

Hindi katamaran ang ugat ng kahirapan, pagkat maraming manggagawa sa pabrika ang napakasisipag sa kanilang trabaho at daig pa ang kalabaw sa pagkakayod pero napakababa ang natatanggap na sahod at nananatiling mahirap. Ang mga magsasaka’y napakaaagang gumising upang asikasuhin ang bukirin, pero naghihirap ang gumagawa ng pagkain. Ang mga vendors ay marangal na naglalako ng kanilang paninda kahit alam nilang maaari silang hulihin, basta’t mapakain nila ang kanilang pamilya.

Kung ang kahirapan ay parusa ng Diyos dahil makasalanan ang tao, ibig sabihin, pinagpala pala ng Maykapal ang mga mayayaman. Ngunit may mga nagkakamal ng salapi sa masamang paraan. At may mga mayayamang nakagagawa ng kasalanan sa kanilang kapwa, pero sagana sa biyaya.

Hindi kamangmangan ang dahilan ng kahirapan pagkat maraming tao ang may kaalaman at napakamalikhain sa kanilang mga trabaho kung saan nagkakamal ng limpak-limpak na salapi’t tubô ang kanilang mga pinaglilingkuran pero sila’y nananatiling mahirap.

Kung kapalaran ng tao ang maging mahirap, hindi na pala siya uunlad kahit ano pang sipag ang kanyang gawin.

Hindi populasyon ang dahilan ng kahirapan pagkat may mga bansang maliit ang populasyon pero naghihirap, samantalang may mga malalaking bansa naman na ang nananahan ay pawang nakaririwasa sa buhay. Salamat na lang sa diyalektika at natututo tayong magsuri.

Sa kalagayan din ng maralita sa kasalukuyan, ang edukasyon ay binibiling parang karne sa palengke. Kapag wala kang pera, hindi ka makakabili ng edukasyong nais mo sa magagaling na eskwelahan. Kapag may sakit ka, bibilhin mo ang iyong kalusugan. Kailangan mo munang magbigay ng paunang bayad sa ospital bago ka magamot. Kapag wala kang pera, kahit mamamatay ka na, hindi ka magagamot. ng edukasyon at kalusugan ay karapatan ng bawat tao, ngunit ito’y naging pribilehiyo ng iilan. Kung talagang magsusuri tayo sa kongkretong sitwasyon gamit ang diyalektika, alam natin na sa kasalukuyang sistema ng lipunan, kailangang bilhin ang edukasyon, kalusugan, at iba pang karapatan. At hindi dapat ganito kaya dapat itong baguhin. Palitan natin ang bulok na sistemang ito ng sistemang makatao.

Ilan sa pundamental na batas ng diyalektika ay ang mga sumusunod:

Una, ang pagsasanib at tunggalian ng magkatunggali. Sa batas ng paggalaw ng mga bagay, dapat na maunawaan natin na ang lahat ng pagkakaisa ng magkakatunggali ay pansamantala lamang at ang tunggalian ay permanente.

Ikalawa, ang kantitatibo at kalitatibong pagbabago. Ang motibong pwersa sa pagbabago sa loob ng isang kontradiksyon ay ang pagdaragdag ng mga kantidad na dahilan ng mga pagbabago.

Ikatlo, ang pagpawi sa nagpawi. Ang pag-unlad ng mga bagay ay hindi laging mabagal, ito ay kinatatangian din ng biglang pag-igpaw. Hindi rin ito laging tuwid, bagkus ito ay isang spiral na pag-unlad. Ibig sabihin nito, anumang pagbabago sa kalidad ng isang bagay ay dinadala pa din nito ang aspeto ng luma o nakaraan, pero ito ay isa ng ganap na pagbabago sa kabuuan at nagmula sa pagsilang sa pamamagitan pag-igpaw, isang pundamental na pagbabago na dumaan sa proseso.

Sa ngayon, dapat magpakabihasa ang maralita sa diyalektika. Dapat makapagsuri ang maralita batay sa kongkretong analisis sa kongkretong sitwasyon. Panahon na upang kumawala ang maralita sa mga kaisipang pamahiin, pantasya at mahika. Panahon na upang pag-aralang mabuti, isaisip at isapuso ang diyalektika.

Sanaysay: Vendors, Wowowee - ni Pedring Fadrigon

VENDORS, MARALITA, WOWOWEE AT KAHIRAPAN

ni Ka Pedring Fadrigon

(nalathala sa Taliba ng Maralita, Marso 2006, p. 3)

Matindi ang krisis pang-ekonomya bunga ng epekto ng globalisasyon. Patunay dito ang nangyaring stampede sa unang anibersaryo ng programang Wowowee sa ABS-CBN kung saan 74 katao ang namatay habang mahigit 300 ang nasugatan dahil sa pag-aagawan sa tiket na ira-rafol para manalo ng jeep, tricycle at isang milyong piso at mga consolation prizes.

Masakit isipin ang sinasabi ng iba na ang mga biktima ng stampede ay mga maralitang umaasa na lamang sa jackpot at ayaw magtrabaho, mga tamad. Hindi katamaran ang dahilan ng kahirapan! Napakasisipag ng mga vendors at gumigising ng madaling araw para lamang magtinda, pero ano ang ginagawa ng Metro Manila Development Authority (MMDA)? Isa sa dapat sisihin dito at singilin sa nangyaring trahedyang ito ay si Bayani Fernando, ang tinaguriang Hitler ng mga vendors, lalo na ang kanyang polisiyang panununog sa mga paninda ng mga kaawa-awang vendors. Daan-daan, kundi man libu-libong vendors ang tinanggalan niya ng karapatang mabuhay ng marangal. Dahil sa kanya, maraming mga vendors ang nawalan ng puhunan dahil sa pagkumpiska niya at ng kanyang mga bataan sa mga paninda ng mga vendors. Nais ng mga vendors magtrabaho ng marangal, nagsisikap at nagsisipag upang may maipakain sa kanilang mga anak, maipagpaaral at maipanggastos sa pang-araw-araw. Umaasa ang mga maralita sa jackpot para lamang may maipandagdag sa kapos na kinikita, at hindi dahil sila’y tamad.

Batay sa mga datos, milyun-milyon sa kasalukuyan ang walang tiyak na trabaho bunga ng malawakang tanggalan sa mga pagawaan. Milyun-milyon din ang walang tiyak na pangkabuhayan bunga rin ng mga patakarang kontra-maralita. Walang malinaw na plano ang gobyerno sa mga programang pangkabuhayan. Milyun-milyong vendors ang inagawan ng pagkakakitaan na nagresulta sa pagkagutom ng maraming pamilya. Marami ring estudyante ang natigil sa pag-aaral bunga ng pagkawala ng hanapbuhay sa pagtitinda ng kanilang mga magulang.

Ang humigit-kumulang sa 100,000 vendors sa Kalakhang Maynila ay nilapastangan at winalis ng mga berdugong tauhan ng MMDA. Itinuring kaming mga pobreng vendors na mga basura sa lansangan. Kailangang itapon at sunugin. Ganyan ang kalunus-lunos na sinapit ng mga vendors sa Kalakhang Maynila.

Sa tuwing maririnig namin ang mga balita at usap-usapan, wala man lang nagsabing kami ay nakakatulong sa ekonomya ng bansa; nakakatulong sa gobyernong hindi makatulong sa maralita; nakakatulong sa gobyerno pagkat hindi na nila kung paano kami magkakatrabaho. Bagkus kami ay sasabihan pang mga illegal vendors at abala lang sa trapiko. Di kaya ang dahilan ng trapiko ay ang sobra-sobrang sasakyan. Di kaya ang makipot na kalsada? Di kaya problema ng gobyerno na wala siyang nakalaang paglalagyan ng mga maghahanapbuhay?

Kung ang usapin ay ilegal, mas ilegal ang pagkakaupo ng pekeng pangulo! Kung ang usapin ay pagiging ilegal, mas ilegal ang gutumin mo ang sambayanang naghihirap! Ang panawagan ng pamahalaan ay magsikap daw ang lahat, ngunit ano ang mangyayari sa mga pagsisikap kung tayo ay gagamitan ng mga batas na kontra sa ating mga pagsisikap? Kapag tayo naman ay mangangatwiran at lumaban, humingi ng alternatibo, kung di ka mapukpok sa ulo, ikaw ay makukulong. At kapag mukha kang bisaya o muslim, ang sasabihin sa iyo, kung di ka rebelde, ikaw ay terorista. Iyan ang buong karanasan nating mga mahihirap. Maliit ang pagtingin sa atin. May pwersa tayo at lakas na hindi natin ginagamit, kaya ang nakikita ng gobyerno ay ang ating pagkakawatak-watak.

Napakarami ng mga vendors, dangan lamang ay di tayo organisado. Hindi tayo solido, kaya kahit ang ating mga problema ay hindi natin maipaglaban at maipagtanggol. Kaya ang ating panawagan ay magtayo ng organisasyon ng mga vendors sa kalunsuran.

Bunga nitong mahirap na kalagayan, ang tanging solusyon dito ay mag-organisa sa mga vendors. May naitayo na dati, ang Metro Manila Vendors Alliance (MMVA), kung saan ang inyong abang lingkod ang unang tagapangulo.

Ang itatayo nating organisasyon ng mga vendors mula sa iba’t ibang komunidad ng maralita ay hindi lamang pagsuporta sa MMVA, kundi ito’y pagpapaigting pa sa klaradong direksyon ng mga maralita sa pagbabago ng bulok na sistema.

Abutin ang pinakasulok na mayroong mga vendors at pagkaisahin sa iisang layuning makapagtayo ng isang sentrong organisasyong daluyan ng mga problema ng mga vendors sa kanayunan at kalunsuran para isulong ang ating mga laban sa mga batayang kahiligan, at mairehistro dito sa kasalukuyang gobyerno.

Sa stampede sa Wowowee, hindi dapat makalusot sa batas ang tulad ni Bayani Fernando, na umagaw sa kabuhayan ng maraming mga vendors at mahihirap na pamilya.

Katarungan sa lahat ng mga nangamatay sa stampede sa Ultra! Singilin ang MMDA sa mga kasalanan nito sa mga vendors! Itayo ang transisyunal na rebolusyonaryong gobyerno (TRG)!

Sanaysay: Relokasyon Para Kanino - ni Danny Afante

RELOKASYON PARA KANINO?

Sa tao, sa mamamayan, o sa pulitiko

ni Danilo “Ka Danny” Afante

Ganito ang malaking katanungan na gumugulo sa isip ko. Taong 1995 nagsimula ang kaguluhan sa Brgy. Calumpang sa Marikina, na kung saan tatlong local na organisasyon ang apektado ng demolisyon sa pamumuno ng lokal na pamahalaan. Sa bilang na mahigit-kumulang na 500 pamilya na may iba’t ibang kategorya – owner, sharer, at renters. Sa maraming ulit na pagsasala at negosasyon, malaki ang tulong na inilunsad ng KPML – tactics, ED, at iba pa – upang maisaayos ang relokasyon, hanggang sa taong 1997. Pinal na nailipat ang 356 pamilya sa Balubad, Nangka, Marikina, sa pamamagitan ng in-city relocation.

1998. Nagsikap ang mga pamunuan na mag-unite para masimulan ang proseso para matiyak na mapunta sa mga relocatees ang nasabing relokasyon. Subalit sa tuwing mabubuo ang kaisahan, tila ba laging may sumisirang anay sa loob mismo ng kaisahan. Kaya back to zero na naman ang hangarin.

2001. Eleksyon. Tahasang sinabi ng mayor na kami ang bahala sa inyong lahat dahil kung may kaso, kami ang unang makukulong. Kung kaya, sa resulta ng eleksyon, namayani pa rin ang kagustuhan nila at ang naging papel ng mga presidente bago mag-eleksyon ng 2001. sunud-sunuran sa dikta at atas ng LGU hanggang 2004. Eleksyon muli na namang namayani ang mga trapong pulitiko na gamit pa rin ang halos lahat ng pamunuan sa mga relokasyon.

Hanggang sa ngayon, walang inilulunsad na mga eleksyon sa mga pamunuan, inugatan na sa panunungkulan, katulad din ng LGU, noon at ngayon.

2006. Bago mag-eleksyon, nagkapirmahan ng isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng LGU, land owner at mga lokal na samahan.

Matapos ang lokal na eleksyon, nag-laps ang MOA. Kahit na tinangkilik ng mga tao sa komunidad ang kanilang team sa eleksyon, wala naman itong bisa sa pag-laps ng MOA. At ngayon, may dagdag na problema na naman, dahil bago na uli ang officer-in-charge (OIC) ng Marikina Settlement Office (MSO), tagapamahala sa mga settlement.

May iba na namang gusto. Ano ba ‘yan! Sa tuwing magpapalit ng OIC ang MSO, may iba’t ibang taktika para ma-delay ang proseso sa palupa. Panginoon, kailan mo ba kami bibigyan ng tunay na tao para maging lingkod ng mamamayan?

Hindi lamang ang Balubad ang may ganitong problema, kahit ang Tumana, Doña Petra, 54 samahan, pati ang Bagong Sibol sa Con Uno. Ang pangako: Huwag kayong mabahala. Hangga’t ako ang mayor, hindi kayo mapapaalis at matitinag diyan sa inyong kinatitirikang bahay.

Kung kayo ang babasa sa sitwasyon, nakikita ba ninyo o nararamdaman na may pag-asang mapunta sa mga tao ang relokasyon. Samantalang 18 taon na nanungkulan sila. At itong 2010, kailangan at obligado na silang bumaba sa pwesto. E, ‘yung isa ngang konsehal mula pa sa manggagawa, siyam na taon sa konseho, ngayon konsehal uli, wala ding nagawa. Puro porma, laging nakadikit sa kusina. Sana’y may mapulot kayong ideya at karanasan sa aking mga tanong? Sila pa bang mga pulitiko ang gusto nating manungkulan sa 2010.

Mamamayan, mag-isip-isip tayo. Huwag na tayong pabola at paloko sa mga trapong pulitiko. Ibasura na rin natin si Kabayan at si GMA.

Ang mga ginawang hakbang at paraan ay ang mga sumusunod:

Una, itinayo ang core group. Binigyan ng mga pagsasanay.

Ikalawa, nagtatag ng working committee. Ang gawain ay management, monitoring, trouble shooting, nego at pangunahing pwersa.

Ikatlo, pagtatayo ng komite bawat lugar. Gawain: finance project, networking, alliance at media work

Ikaapat, regular GA at covenant sa mga kasapi.

Sanaysay: Dignidad ng Maralita - ni Joel Pontawe

DIGNIDAD NG MARALITA

ni Ka Joel Pontawe

Mahalaga sa bawat isa sa atin ang dignidad, sapagkat nakasalalay dito ang ating karangalan, ang ating pagkatao. Kung walang dignidad ang isang tao, siya’y masahol pa sa hayop. Kaya dapat nating pangalagaan at ipaglaban ang ating dignidad.

Totoo na mahirap lang tayo, pero hindi ibig sabihin nito’y malaya na ang iba upang apihin tayo, hamakin tayo, lalo na ng mga taong hindi natin kapwa mahirap. Lahat tayo’y nagnanais ng buhay na mapayapa, buhay na marangal at buhay na walang iniisip na mga problemang nagpapasakit ng ating ulo, nagpapadugo ng ating puso at sumusugat sa ating mga laman.

Alam nating ang tawag natin sa ating mga sarili ay “maralita”, ngunit ang tawag ng iba sa atin ay “squatter”. Bakit ganito? Bakit ang mga sariling kababayan ang itinuturing na squatter? Dahil ba tayo’y limang kahig, isang tuka?

Napakaliit ng tingin nila sa ating mga mahihirap. Napakaliit. Ang biglaang pagdemolis ng mga tahanan ng mga mahihirap ay isang halimbawa ng pagwawalang-bahala nila sa ating iniingatang dignidad. Karaniwan na bigla na lamang pinapalayas ang mga maralita sa kanilang mga tirahan nang wala man lamang maayos na negosasyon. Itinataboy ang mga mahihirap na parang mga daga o askal (asong kalye), at para bang sila’y hindi tao kung ituring.

May dignidad ba ang maralita kung siya’y itinataboy na parang hayop sa isang demolisyon? Na kadalasan nama’y walang relokasyon. Kung may relokasyon man, karaniwan ay mas masahol pa ang kalagayan nila sa paglilipatan kaysa sa kanilang pinagmulan.

Ilang beses na bang maraming nalagas na buhay dahil sa demolisyon? Ilan pang buhay ang dapat mawala dahil inaagaw ng iilan ang ating kinabukasan? Dapat ba tayong dahasin? Totoo, nais ng gobyernong tanggalin ang mga maralita sa mga danger zones pagkat totoo namang mapanganib tumira sa ganoong mga lugar. Pero ang tanong: Bakit may mga taong napilitang tumira sa mga ganoong pook na peligroso? Hindi ba nila alam sa simula’t simula pa na peligroso ang lugar na tinitirhan nila?

Alam ng mga maralita na delikado ang tumira sa mga pook na peligroso. Pero bakit sila napilitang tumira doon? Simple lang ang sagot ng mga maralita: Kahirapan ang nagtulak sa kanila para tumira doon.

Pero ang mga matatalinong nasa gobyerno ay pilit na gumagawa ng solusyon sa mga bagay na hindi nila alam kung ano talaga ang pinag-ugatan. Ngunit ang sagot ng gobyerno sa kahirapan ay demolisyon.

Ngunit ang demolisyon ay di lang simpleng pagwasak ng bahay. Higit sa lahat, ito’y pagtataboy sa maralita kung saan sila nabubuhay. At saan sila pupunta kung sila’y itinaboy? Sa relokasyon ba na gutom ang karaniwang inaabot ng mga itinaboy na maralita? Tatanggalin nga sila sa mapanganib na lugar para ilipat sa mas mapanganib na lugar na wala pang kasiguruhan. Kumbaga, mula danger zone patungong death zone. Napilitan silang tumira sa mga peligrosong lugar dahil sila’y itinulak sa ganoong sitwasyon ng kahirapan. Kahirapang di nila kasalanan. At ito ang unang dapat resolbahin ng gobyerno: ang KAHIRAPAN.

Ang mga bagay na ito ang dapat tugunan ng gobyerno upang pagbatayan nila ng kanilang mga gagawing aksyon!

Dapat na ang gobyerno mismo ang mangalaga sa kanyang mamamayan, pero hindi niya ito ginagawa. Pinababayaan niyang parang mga hayop ang kalagayan ng maralita. Mahalagang ipaglaban natin ang ating dignidad bilang mga mahihirap. Hindi tayo dapat ituring na parang mga hayop o basahan, na karaniwang tingin sa atin ng mga elitista. Hindi dahil mahirap lang tayo’y wawasakin na nila ang ating kinabukasan at pagkatao.

Ngunit makakamit ba natin ang minimithing dignidad sa ganitong uri ng sistema ng lipunan na ang mga pinahahalagahan ay ang tubo, ang kapital, at walang ni isang butil na pagpapahalaga sa dignidad ng maralita bilang taong may buhay at humihinga? Ito ang klase ng lipunan na ang mas pinahahalagahan ay ang makabili o makakuha ng malalawak na lupain para magkamit pa lalo ng yaman, pero walang butil na pagpapahalaga sa buhay ng tao na parang hayop kung ituring ng mga may-ari ng lupa sa pamamagitan ng sapilitang demolisyon. Marami nang pagkakataong hindi pinahahalagahan ang buhay, makuha lang ang lupa, makapagdemolis, at mapalayas ang mga tao sa payapang tahanang tinitirhan nila.

Ang dignidad ng bawat tao, lalo na ang dignidad ng mga mahihirap, ay mapangangalagaan at mapoprotektahan lamang sa pag-iral ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. Sa lipunang ito na may respeto ang bawat isa. Sa lipunang ang mga kagamitan sa produksyon ay pag-aari ng buong lipunan.

At ito ang hamon sa atin: ang itayo ang lipunan para sa atin, ang gobyerno para sa mahihirap, kung saan kinikilala ng lipunang ito ang dignidad ng bawat isa ng walang pagtatangi. Halina’t ating tahakin ang landas patungong sosyalismo.

Taliba ng Maralita, KPML

Tomo VIII, Blg. 2, taong 2003

Tula: Batas at Metro Manila - ni Tek Orfilla

ANG BATAS AT ANG METRO MANILA

ni Silvestre “Tek” Orfilla


Ano itong mga batas, ano itong Metro Manila

Laban sa manggagawa, laban sa maralita

Laban sa manininda, sa karapatan ng tao ay labag pa

MMDA pala ang sinasabing Metro Manila.


Maganda sa pandinig na talagang may batas nga

Ang batas na ito, kanino nga kaya

Bakit kapag si Fernando ang nagpapatupad na

Ang mga batas na sinasabi ay nginunguya pa.


Kay Bayani Fernando’y walang batas talaga

Pagkat siya ay makapangyarihang tao na

Walang pumipigil, walang sumisita

Ngunit ang kawawang vendor sa kalsada’y tinutuligsa pa.


Ang Metro Manila ay puno ng mga dalita

Manininda, mga manggagawa at mga maralita

Ngunit sa kamay ni Fernando’y kawawang-kawawa

Sa kanya’y walang batas, Korte Suprema nga’y walang magawa!!!


Ano itong mga batas, ano itong Metro Manila

Bakit ang taong bayan ay walang magawa

Wala na ngang kinakain, mga tinig ay wala nga

Hanggang kailan, Metro Manila, kayo ay makapagtitiyaga.

Tula: Hibang - ni Antonio Pesino

HIBANG

ni Antonio Pesino


Umiibig ako sa isang bayan na puno ng kaguluhan

Nagmamahal ako sa isang bayan na aking pinagmulan

Dito sa silangan na puno ng perlas at kalikasan yamang

Puno ng droga, mga buwaya sa kalsada, terorista, kidnapan.


Umiibig ako sa isang bayan na walang tigil ang karahasan

Nagmamahal ako sa isang bayan na manhid sa katiwalian

Sa sentrong aking kinagisnan na nagkalat ang holdapan

Mga paslit sa lansangan, mga katutubong nakikipagsapalaran.


Umiibig ako sa isang bayan na bulok ang pamahalaan

Nagmamahal ako sa isang bayan na naglipana ang kahayukan

Mula sa bansang nagmulat sa akin sa kahirapan

Hubad na katawan, mga kapitalista, mga pulitikong hayok sa kapangyarihan.


Namumuhay ako’t nagmamahal sa bayang aking sinilangan

Kahirapan at kamanhidan, bangungot na aking pinaglalaban

Hibang daw ako, sabi ng iilan

Hibang daw akong magamot, sakit ng pinakamamahal kong bayan.


Disyembre 5, 2007, San Andres Bukid, Maynila

Tula: May Debate sa TV - ni Antonio Pesino

MAY DEBATE SA TELEBISYON

ni Antonio Pesino


May isyu na naman, sa kapamilya nabungaran

May kapusong umapela, sila raw kunong una

Mula noong dekada nubenta walang tigil sa kakabenta

Tila itlog at manok, di malaman kung anong nauna

Banga-bangayan, parang sabungan, nag-uungusan sa pataasan

May debate sa telebisyon! Sinong tama? Sinong mali?




May bulag na pulubi, namalimos sa may kalye

May buwayang parak, nangotong sa may tabi

May isang estudyante, ang taas ng tuition fee

May isang guro, ang baba ng talent fee

Sumigaw si pareng Ted, gumising ka na raw!

May debate sa telebisyon! Pag-unlad ba o pagbabago?




May negosyanteng intsik, sa broadband namuhunan

Iilang linta sa gobyerno ang tanging nakinabang

Si among Ed naabutan, ‘sang bandel ng kayamanan

Ininguso sa taong bayan, buking ang malawakang suhulan

Naglipanang mga nilalang, mga ganid sa malakanyang

May debate sa telebisyon, maniwala ka o sa hindi.




May naghuhugas ng kamay, kailangan, magkaisa na raw

Hinatulan si Asiong Salonga, saka malayang pinalipad sa hawla

Magdalo, muling sumigaw, pagbabago patuloy na hinahanap

Naalarma hanay ni Gloria, boses ng media tinatali na

Nasaan na ang mga bida? Nangagampanya, namumulitika

May debate sa telebisyon! Panawagan! Hindi taguan!




May nag-iisip sa salitaan, umaayon, tumututol,namamagitan

Ilang hati, ilang pangkat, ilang grupo ang nagsisigawan

May nagpapalitan ng kuro-kuro, kanya-kanyang paniniwala

Iba-ibang opinyon, liko-likong direksyon.

Karapatan para sa adhikain! Kapatawaran para sa kaligtasan?

Kapangyarihan ng taong bayan, nasaan ang tunay na kalayaan?


Sino ba si Rizal? Uy, wala ka bang pakialam?

Sino ba si Macoy? Nakakarinding walang alam!

Si Ninoy pinatay, karahasang gumising sa bayan!

Si ka Pops may naiwang aral, REBOLUSYON sagot sa katiwalian!

Kailan pa ba ang panahon? Maralita’y lugmok na sa putikan!

May debate sa telebisyon, sasama ka ba o tatahimik na lang!


- Disyembre 6, 2007, San Andres, Maynila

Tula: Paalam, Joel - ni Norma Rebolledo

PAALAM, JOEL

ni Norma Rebolledo


Nagbuwis siya ng buhay

lumisan nang mapayapa

di nakayanan, gumuho

yaring katawan dahil sa kahirapan

siya ay biglang lumisan

bayani siyang alaala

dahil sa kanyang ginawa

tanging pagbabago na

maganap – sosyalismo

laging bukambibig na kataga

buhay pa ba? Kung sakaling

mabago ang bulok na sistema

siya, si Joel Brondial,

tuluyan nang lumisan,

bayaning di malimutan

alaala mo, buhay ka sa iyong

iniwang mga ginawa

saludo kami, kahit na ikaw

ay pumanaw


(Si Ka Joel ay isang magaling na organisador ng maralita na kumikilos sa Dagat-Dagatan, namatay sa bangungot)

Tula: Abang Kalagayan ni Juan - ni Tek Orfilla

ABANG KALAGAYAN NI JUAN

ni Silvestre “Tek” Orfilla


Saan ka man tumingin, iyong matatanaw

Barong-barong ni Juan, laging napapag-initan

Salat na nga sa kita, hirap pa sa kalagayan

Kawawang si Juan, walang mapuntahan.


May mga tao naman, mababait at magagalang

Ano mang oras ay handa kang tulungan

Matataas ang posisyon sa ating pamahalaan

Dangan nga lamang ay mga tutang sa amo’y sunud-sunuran.


Ang kaawa-awang si Juan, sa kanyang abang kalagayan

Ginigiba na ang bahay siya pa ang pinagagalitan

Tutang mga pulis, mga nakatunganga naman

Pagkat sila ay huwad na nagsisilbi sa bayan.


Sino pa kaya ang pwedeng malapitan

Saan pa tutungo, wala na yatang mapupuntahan

Sino pa ang magtutulungan kundi tayo-tayo lamang

Ilunsad ang rebolusyong mapagpalaya, sa abang kalagayan ni Juan.

Tula: Hustisya - ni Tek Orfilla

HUSTISYA

ni Silvestre “Tek” Orfilla


Sadyang napakaganda sa bansang may hustisya

Taas ang noo mong naglalakad sa kalsada

Hindi nangangamba sa anumang aberya

Pagkat nakasisiguro ka, patay kang bata ka!


Hustisya sa bansa’y napakaganda talaga

Sa kalsada’y naglalakad, ang noo’y nakababa na

Anumang aberya at anumang pangamba

Patay ka na nga, minumura ka pa.


Ang ganitong hustisya, dapat ay pantay-pantay na

Mangyayari lamang ito kung talagang magkakaisa

Manggagawa’t maralita, magsama-sama na

Upang hustisya sa bansa, sa’ting kamay ay ilagay na!!!

Tula: Mumunting Dampa - ni Anthony Pesino

MUMUNTING DAMPA

ni Antonio Pesino


Sa isang mumunting dampa

ay masaya ang pamilya ko
Kahit tagpi-tagping dingding

at bubungang lata man ito
Di man sapat ang nakahain,

busog naman itong puso
Sa kabila ng kahirapan,

buhay ang damayan dito.

Sa aming mumunting dampa,

iskwater kung kami ay ituring
Sa pang-aagaw ng karapatan,

ito raw ang aming galing
Mananakop ng may lupa,

sa amin ito ang paratang
At lahat ng kasalanan,

sa ami’y ibinibintang.

Paano ang aming buhay

sa aming mumunting dampa?
Kung ipagkakait sa amin

itong kapirasong lupa
Sasapat pa kaya itong

isang kahig isang tuka
Kung itong mumunting dampa

ay siyang mawawala.


- Disyembre 8, 2007

Tula/Awit: Batang Marcelo - ni Randy Labong

BATANG MARCELO

ni Randy Labong

[Ang tulang ito ay nalikha sa isang palihan (workshop) hinggil sa paggawa ng tula. Nilagyan ito ng tono at naging awit.]


Araw-araw sa paggising ko

Iniisip ka batang Marcelo

Trabaho na iniatang sa’yo

Ito ba ay pang-aabuso?


Si Nena’y isang paslit

Isang timba kanyang bitbit

Sa fishport mang-uumit

Isdang ulam, kahit maliit


Otso anyos itong si Emong

Sa fishport pinapalusong

Pag walang isda o tahong

Pamilya’y tiyak magugutom


Di ko lang maintindihan

Dapat bata’y sa iskwelahan

Sumpa ba ng kapalaran

O dala ng kahirapan?


Ito ba ay pang-aabuso?

Batang Marcelo


pahayagang Taliba ng Maralita

Tomo X, Blg.3, Taon 2005

Tungkol sa Akin

Aking larawan
Adhikain naming tipunin ang mga tula, maikling kwento, sanaysay, awitin, at iba pang sulating likha ng manggagawa, maralita at iba pang sektor ng lipunan, lalo na yaong nananawagan ng pagbabago at pagtatayo ng tunay na lipunang makatao.